
Linggo kahapon. At dahil wala akong masyadong ginagawa sa bahay, naisipan kong buksan ang TV at manood ng TFC. Tamang-tama naman at magsisimula palang ang peborit ko na ASAP ROCKS. Production number palang talagang enjoy na enjoy na akong manood. Napapasayaw pa nga at napapasabay rin ako sa pagkanta. Tapos minsan napapapalakpak ako. Para akong baliw sa loob ng aking kwarto.
Naalala ko tuloy noong aking kabataan. Sa totoo lang jologs ako. Kasi mahilig ako sa mga artista. Pangarap ko rin na maging artista noon pero sa kasawiang palad, hindi ako biniyayaan ng mukha at kutis na pang-artista. Kaya ayon, nakuntento nalang ako sa panonood sa TV. Hanggang ngaun dala ko parin sa aking sarili na habang kumakanta at sumasayaw ang mga idolo ko, sinasabayan ko rin sila. Noon talaga wala akong pakialam kahit marinig o makita ng kapitbahay ang pinaggagawa ko. Katwiran ko, kahit man lang sa loob ng bahay namin, maging STAR ako! Star na walang ningning. LOL!
Minsan nga, humaharap pa ako sa salamin at tinitingnan ko kung magaling akong umiyak. Ginagaya ko kasi ang peborit kong si Judy Ann Santos pero bakit kapag umiiyak sya sa mga teleserye, maganda parin ang mukha nya kahit saang anggulo mo tingnan? Pero bakit ako kahit saang anggulo tingnan kapag umiiyak, ang sagwa-sagwa? Kaya ayun, binasag ko lahat ng salamin sa bahay. Charot!
Basta noon, gustong-gusto kong sumayaw. Pakiramdam ko kayang-kaya ko ang bawat galaw na nakikita ko at napapanood sa teatro, patimpalak sa fiesta at telebisyon. Kahit paano naman nabigyang katuparan ang lahat ng ito. Sa katunayan, bata palang ako sumasayaw na ako sa mga school programs. Hanggang sa mag-aral na ako sa kolehiyo, kasali parin ako sa ilang organisasyon na humahasa sa bawat talento namin.
Nakapagperform narin ako sa harap ng maraming manonood at nanalo narin sa ilang patimpalak. Hindi ako kontesera ha? Minsan kasi napapakiusapan ng Professor at dahil alam ko naman na may talent ako, gora ang lola nyo! Feel na feel ko pa naman ang mga folk dances lalo na ang mga ethnic churva nayan. As in feel na feel ko na mukha akong native African na parang kinulayan ng itim na tinta ang buong katawan tapos parang igorot ang sayaw! Shit! Trip na trip ko yun! Para lang akong nasa ati-atihan festival ng Aklan, Sinulog festival ng Cebu at Masskara festival ng Bacolod.
Pero minsan mahirap rin pala ang sumayaw lalo na noong matuto akong umibig. Ang inaakala kong 'madali lang' ang nagbigay ng balde-baldeng luha at sukdulang hirap sa aking pagkatao.
Nagsimulang umindak ang aking mga paa. At sa bawat pagkakamali ay may katumbas na parusa. Maraming beses akong nasaktan at nabigo ngunit kaylanman ay hindi ako sumuko. Ganun kasi ako minsan. Matiisin. Minsan pa nga may pagkamartir.
Matagal rin akong naghintay. Matagal ko ring pinangarap na matutong umindak ng naaayon sa galaw ng hangin, na bawat paglapat ng paa ko sa lupa ay parang hibla ng bulak na dumadampi sa aking mukha. Ganun kabanayad. Ganun kaalaga.
At kung noon GUSTO ko lang sumayaw, ngayon natutunan ko na itong MAHALIN dahil tinanggap ko lahat ng hirap para makilala at makabisado ang bawat galaw nito ng naaayon sa tamang ritmo. ‘Yung tipong unti-unti. Hindi biglaan.
Alam kong ganoon ang pag-ibig. Ganun ang tunay na PAGMAMAHAL.
Parang sayaw lang ba. Ikaw marunong ka bang sumayaw?
1 comment:
Super nice kian. I love it!
Post a Comment