Masarap talaga matulog kapag malamig ang panahon at umuulan. Parang given na sa atin na kapag ganyan ang panahon, natatamad tayong bumangon, kumilos at lumabas ng bahay. Mas gusto pa nating magmokmok at matulog maghapon. Kaya naman ngiting ngiti at labas ang gilagid ng ating mga unan, kumot at kama kasi sa wakas makakasama at mayayakap nila ang kanilang amo maghapon kahit hindi pa ito naliligo at kahit nagkakayat ang laway sa unan tapos panis pa. Lol! Si aircon at ceiling fan naman ay humahagikhik sa tuwa dahil sa lamig ng panahon ay hindi na sila mapapagod pang tumakbo. Makakapahinga rin sila ng bongga!Pero ako , ayaw ko matulog at magmokmok nalang ng walang ginagawa. Nangungulit na kasi ang baliw kong ballpen dahil masakit na daw ang tyan nya at kelangan na nyang tumae. Kaya kahit pupungas-pungas pa ko at panis pa ang laway ko na hindi ko malunok-lunok ngaun dahil kagigising ko lang, sisimulan ko ng magsulat at magkwento para maibsan ang sakit ng ballpen ko.
Hindi panis na laway ang ikukwento ko ha? Ang ikukwento ko ngaun ay LOVE STORY ng isang Caviteno na umibig sa lalakeng taga Olongapo City.
Paano at saan ko kaya sisimulan ang kwento ko? Hmmmm… Tagal tumae ng ballpen ko wait lang…. :D
Dahil maulan ngaun naalala ko siya. Ang natatandaan ko, sa chat nagsimula ang lahat. Sa dami ng nagsusulputang chatroom noon na parang mushroom, isa lang ang aking tinatangkilik, ang paborito kong mushroom burger sa Tagaytay. Ay mali, G4M chatroom pala hindi mushroom. Usong-uso ang G4M noon sa mga kabaro ko at xempre dun din nagsimula ang aming love story ni Taxio.
Mula ng magkausap kami at magcam to cam sa g4m, hindi na siya nawala sa isip ko. Nabighani ako sa kanyang mala-artistang labi. Uso nun ang pouty lips sa mga artista at hanggang ngaun naman pabonggahan parin sila ng labi. Nguso dito nguso doon. So, ayun na nga dahil sa nguso nya este sa labi nya, napagdesisyunan naming magkita ni Taxio sa megamall. Hindi ko na maalala ang ibang detalye basta ang alam ko kumain kami at nagvideoke together at dahil sabado noon, nanood kami ng isang patimpalak ng mga bakla sa Quezon City. Isa itong pageant at dahil member ako ng sandamakmak na clan sa Pilipinas, umattend ako at isinama ko siya. Para akong tinutusok ng titig ng aking mga clanmates dahil meron akong bitbit ng gabing iyon na hindi ko at nila nakasanayan. Ibig kong sabihin, madalang ako magsama ng lalake sa GEB. Tinutukso nila ako at nahihiya naman dahil hindi nga ako sanay sa mga ganung eksena. Mga echosera sila! :)
Pagkatapos ng pageant umuwi kami ni Taxio sa apartment ng mga kaibigan nya. Doon narin ako nagpalipas ng gabi. Masarap este masaya ang unang gabi naming magkasama. Masaya dahil pareho kami ng nararamdaman sa isa't isa. Napakasarap sa pakiramdam na may tugon ang iyong nararamdaman kahit hindi pa kayo gaanong magkakilala. Sa sulok ng isip mo meron pang agam-agam pero kapag nanjan na ang libog este pagmamahal susunod ka nalang sa agos nito. Pilit mong ipipikit ang iyong mga mata at isasarado ang isip sa mga “what ifs” na ito tapos ibubulong mo nalang sa hangin ang katagang “bahala na si Batman!” At sa pagmulat ng iyong mga mata, wala na pala kayong saplot! Charot!
Lumipas ang mga araw at naging maayos naman ang takbo ng aming relasyon. Text, tawag, chat, yan ang madalas naming gawin para hindi namin mamiss ang isa’t isa. At sa tuwing sasapit ang sabado pinupuntahan ko siya sa Manila sa apartment ng mga kaibigan nya kung saan siya nagsstay.
Isang sabado noon. Napakaulan. Bumabaha na ata sa Metro Manila. Yan ang napapanood ko sa TV at naririnig sa mga balita. Pero dahil sa kagustuhan kong magkita kami at siya ang aking kaligayahan sa buhay maliban sa pamilya ko, pilit parin akong bumiyahe papuntang Maynila. Kahit mabasa ako ng ulan, sinagasa ko iyon para kay Taxio. Sumakay ako sa bus, sa taxi at sa pedicab para lang makarating sa kanilang apartment at dahil nasa dulong pinto sila, kailangan kong lumipad para hindi mabasa ang mga paa ko. Haist! Nagpedicab at taxi pa ako kung pagdating ko naman sa lugar nila eh kailangan ko ring tumawid sa baha. Mababasa rin pala ang paa ko. Pero hindi naman ako nagrereklamo ha? Echos lang un! Mahal ko siya kaya kahit mabasa pa ang mga paa ko, lulusong ako jan para magkita kami. Answeet ko pala naisip ko at napangiti nalang ako sa sarili ko. Gagawin ko talaga ang lahat para sa pag-ibig. Proven na yun! Lumusong nga ako sa baha. Bakit ba naman kasi umuulan na, nakasapatos at pantalon parin ako. Hahaha! Ang shunga ko talaga. Pagdating ko sa pinakadulo, nakabukas ang kanilang apartment. Ayaw ko sanang pumasok ng walang paalam kaso ilang minuto na akong nag hehello wala paring sumasagot at nababasa narin ako ng ulan sa labas kaya pumasok narin ako. Sinuyod ko ang ibaba ng kanilang apartment, sa sala, sa kusina, sa banyo wala talaga si Taxio. Kaya nagdesisyon narin akong umakyat ng bahay. Bakit kaya walang tao? Kahit kinakabahan ako nagpatuloy ako sa pagakyat at nakita ko si Taxio nakahandusay!
Bigla akong kinabahan. Dumadagundong ang aking puso. Walang tao sa apartment ng dumating ako at nakabukas ang pintuan kaya agad kong nilapitan si Taxio.
Taxio!!!!!!!
“Anjan ka na pala.” Ang walang kagatol gatol na sagot ni Taxio sa akin. LOL!
Hinayupak na Taxio pinakaba ako at kagigising lang pala, alam naman na darating ako. Mantika talaga matulog. Bigla niya akong niyakap at hinalikan. Kanina pa pala nya ako hinihintay pero dahil nga maulan at mahirap sumakay nalate ako ng dating hanggang sa makatulog na siya sa paghihintay sa akin. Sumunod na ang matamis na kaligayahan sa pagitan naming dalawa ng mga oras na iyon.
Makalipas ang ilang oras, pinagbihis ko ulit si Taxio at inayang mamasyal kahit kasagsagan ng bagyo. Bago pa kami makalabas ng tuluyan sa compound na iyon at makasakay sa pedicab, kailangan naming tumawid sa baha. Pasaway kami no? Kung kelan bumabagyo tsaka kami magdadate. haha! Pero ang hinding hindi ko malilimutang eksena sa aming relasyon at alam kung sobrang nagpakilig sa kanya ay noong ililis ko ang aking pantalon at hubarin ang sapatos para mabuhat ko siya palabas ng compound. Tinalo namin ang sikat na sikat na Korean telenovela noong taong 2009! Sumabit siya sa likod ko at yumakap habang tangan tangan nya ang aking sapatos habang umaambon ambon. Pagkatapos noon ang pagsakay namin sa pedicab at taxi papuntang megamall para magsaya.
Isang lingo ang lumipas, kelangan na nyang umuwi sa Olongapo. Napakalungkot ko noon. Pero sinabi ko sa kanya na mas magiging maayos ang buhay nya kung uuwi siya doon at ipagpapatuloy ang pagaaral. Inihatid ko siya sa terminal dahil gusto kong sulitin ang oras na magkasama kami. Kahit pakiramdam ko nagluluksa ang puso ko dahil mapapalayo siya sa akin, naghuhumiyaw naman ang isip ko na mapapabuti siya kapiling ng kanyang pamilya.
Umusad ang bus pero katabi parin nya ako. Akala ata ng konduktor at mga taong nakasakay sa bus ay magkasama kaming babyahe patungong Olongapo. Mahigpit ang hawak ko sa kanyang mga kamay na parang ayaw ko ng bitawan. Pero kailangan ko ng bumitiw at iwan siya. Hinalikan ko siya sa kanyang labi tanda ng aking pagmamahal sa kanya. Kahit maraming tao sa paligid namin wala akong pakialam basta maiparamdam ko kay Taxio ang aking pagmamahal. Umalis ang bus pero nakatayo parin ako sa kinalalagyan ko kahit matagal ng itong naglaho sa aking paningin. Nakakalungkot. Nakaramdam na naman ako ng pag-iisa sa buhay ko…
Nagpatuloy ang buhay. Nagtetext naman kami at nagchachat kaya kahit papaano nababawasan ang aming pangungulila. Inuupdate parin namin ang isa’t isa sa bawat pangyayari na nagaganap sa aming buhay at ng tumagal, nasanay narin kami sa ganung setup. Naging abala na siya sa buhay nya at ganun din ako pero patuloy parin ang aming communication.
Dumating ang isang oportunidad para sa akin na makapagtrabaho sa abroad. Hindi ko inaasahan pero parang napakadali ng proseso ng aking pagalis. Subalit hindi ito naging hadlang sa kagustuhan ko na makasama siya. 3 araw bago ako lumipad, pumunta ako ng Olongapo para magkita kami. Wala akong sinayang na oras.
Napakasaya sa tuwing kasama mo ang iyong minamahal. Parang sa inyo ang mundo. Walang kahati. Walang kang pakialam sa sasabihin ng ibang tao. Malaya kayong iparamdam sa isa’t-isa ang kung anuman ang nasa puso nyo. Ganun kami ni Taxio. Masaya.
Masuyo ko siyang hanagkan sa labi. Natikman ko na naman ang mala-artistang labi ni Taxio at wala akong pagsidlan ng tuwa. Pilit ko itong inangkin. Sa akin lamang. At sa isang maliit na silid na iyon, pareho kaming nagpaubaya. Nilasap ang init at haplos ng pagmamahal. Para kaming mga batang walang saplot na naglalaro sa ilalim ng ulan. Ngumingiti, tumatawa, humahalakhak, nagkikilitian at bumubuo ng mga pangarap. Pangarap na sana’y matupad namin sa hinaharap.
Kumain kami at namasyal pagkatapos. Gusto ko mang huwag dumating ang oras ng pagalis ko sa Olongapo, alam kong hindi ko yun magagawa. Inihatid ako ni Taxio sa terminal ng bus patungong Maynila. Naisip ko, mauulit sa pangalawang pagkakataon ang eksenang ito. I hate it! Kung dati siya ang aalis patungong Olongapo, ngaun naman ako ang aalis patungong ibang bansa. Parang napakalupit naman ng tadhana sa aming dalawa. Pilit kaming pinaglalayo. Para tuloy kami ang featured artist sa MTV ni JURIS na “DI LANG IKAW, di lang ikaw ang nahihirapan….” Tapos ang eksena hiwalayan na naman. Shit! Naalala ko tuloy ang aking peborit actress na si JudyAnn Santos, feel na feel ko pag sinasabi nya sa pelikula nya ang salitang “Ansakit-sakit!” Hindi ko alam kung bakit un ang natatandaan kong linya na sinabi nya sa isa sa mga pelikulang pinanood ko, rumehistro talaga sa utak ko at nanirahan sa aking memorya. Malamang tagos na tagos sa puso ko un, ng panahong un.
Back to the scene nga tayo. Ano ba naman kasi basta si Judyann ang pumapasok sa isip ko andami kong nasasabi haha! Katulad ng dati, magkatabi parin kami sa bus ni Taxio habang nagpupuno ng pasahero. Sinusulit ang oras na magkasama. Walang gustong bumitaw. Magkahawak kamay hanggang sa dumating na ang oras ng aming paghihiwalay ng landas. Hinalikan nya ako at tuluyang bumaba ng bus. Nakatanaw ako sa kanya mula sa bintana ng bus. Ayokong alisin ang mga tingin ko sa lalakeng nagpatibok ng aking puso, sa lalakeng nagparamdam sa akin na karapat-dapat akong mahalin. Nangungusap ang aming mga mata habang nakatanaw sa isa’t isa. At ng magsimulang umandar ang bus, pakiramdam ko ay para akong nauupos na kandila sa aking inuupuan. Ramdam na ramdam ko un. Shit! Noong oras na iyon gustong gusto kong agawan ng eksena si JudyAnn at isigaw ang salitang “Ansakit-sakit!”
Habang nagsisimulang umusad ang bus, lumalakad din si Taxio. Pabilis ng pabilis hanggang nakita ko na lang na naiwan na siya ng bus. Ang tanging naihabol nalang nya sa akin ay ang pagkaway nya at isang napakatamis na flying kiss na sasaluhin ko sana kaso intrimitida ang katabi ko sa bus dahil nakatitig siya sa akin. Feeling ko si Clara naman ang katabi ko, kontrabidang frog!
Umayos ako ng upo sa bus. Pilit kong inaayos at pinapakalma ang sarili ko. Kahit ayaw kong umiyak kusa nalang itong bumukal sa mata ko at dumaloy sa aking mga pisngi. Kung hindi nyo pa nararanasan un, wag nyo ng pangarapin pa, utang na loob, dahil nakakahiya sa katabi nyo sa bus. Haha! Honestly, ganun pala talaga kapag mahal mo ang isang tao at nahaharap kayo sa matinding pagsubok. Kahit hindi mo gustuhing umiyak, lalabas at lalabas parin ang luha mo…
Umalis ako ng Pilipinas at nakipagsapalaran sa ibang bansa. Hindi lang para sa pamilya at magandang kinabukasan para sa sarili ko kundi pati narin sa kanya. Sa lahat ng pangarap ko na gusto kong makamit ay pilit ko siyang isinasama. Hindi siya nawawala hanggang sa dumating ang isang pangyayari na hindi ko lubos na inaasahan.
Isang gabi, naghaharvest ako at nagtatanim sa aking Farmville at Farmtown sa facebook ng maisipan kong magbukas ng Friendster. Nagcheck ako ng aking inbox at mga friend requests. Nang matapos na ako sa account ko, hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko at binuksan ko ang friendster account ni Taxio. Alam ko kasi ang password nya dahil kapag magkasama naman kami pinapaopen nya sa akin. Ganun siya kaopen sakin kaya panatag ang loob ko. Chineck ko ang inbox nya at nagulat ako sa isang mensahe na nandun. May nakita akong message galing sa isang lalake at masakit sa matang mabasa iyon. Hindi ko alam kung paano ko nahandle ang puso ko, ang pagpipigil ko, ang pagkainis ko sa mga nangyayari. Shit! May iba na pala? Tatlong buwan palang akong nawawala meron na pala siyang iba samantalang maayos naman pag nagkakausap kami?
Minessage ko ung lalake. Nagpakilala ako sa kanya na ako ang bf ni Taxio.
Sa palagay nyo ba ginera ko siya? Sa totoo lang, nagpasalamat ako sa kanya sa pagmamahal na binibigay nya kay Taxio. Alam ko ang pakiramdam ng naghahanap ng pagmamahal dahil ako mismo ay nakakaranas nito at dahil wala ako sa tabi nya, pilit kong inintindi kahit masakit sakin. Tanga ba ako dahil di ko ipinaglaban ang nararamdaman ko? Naiinis ba kayo sakin dahil hindi ko man lang pinagsalitaan ng masama ang lalakeng umagaw sa pinakamamahal ko? Siguro maiintindihan nyo ako kapag kayo na ang nasa lugar ko. Ano bang laban ko kung wala naman ako sa tabi ni Taxio? Pagmamahal ko? Wala ako sa tabi nya para iparamdam ko ng buong-buo sa kanya un. Kaya naisulat ko ang isa sa mga status message ko sa Friendster last 2009, na recently lang inirepost ko naman sa facebook ko and here it goes...
'Kian De la Cuesta
It's a great feeling if you GIVE WAY to somebody to love the one you love unselfishly because you know they can love him more than you do... -- My friendster status last November 2009. :)
24 June at 16:49 via MyPad for iPad · · Like ·
Aris Marquez, Jasmin Lilet Reyes Manalili and Jaime Defiesta Bernal like this.
Jerome Venturina Sino naman tinutukoy mo dun?
24 June at 17:02 · Like
'Kian De la Cuesta Taga olongapo. Hehe inisip ko p talaga lol
24 June at 17:05 · Like
Jasmin Lilet Reyes Manalili lol
24 June at 17:08 · Like
'Kian De la Cuesta Haha
24 June at 17:42 · Like
Kaya ng magkausap kaming dalawa ni Taxio nagdesisyon akong ibigay ang kalayaan sa kanya. Hindi ko siya sinumbatan at never ko siyang tinalakan sa panlalalake nya. Hindi ko siya ipinaglaban dahil bukod sa akin, may taong handang magmahal sa kanya ng higit sa pagmamahal na pwede kong ipagkaloob sa kanya.
Hindi naman porke’t natapos ang relasyon namin ay tapos narin ang aming kwento. Hindi doon kaylanman matatapos dahil after ng lahat ng nangyari, magkaibigan parin kami. Minsan nagkakachat parin at minsan nililike niya ang status ko sa facebook. Just recently nakita ko rin na nilike nya ang picture ko kaya hanggang ngaun masasabi kong patuloy ang kwento naming dalawa. Patuloy itong hinahabi ng kapalaran at kung saan man patungo ang kwento naming dalawa, sinuman sa atin ay walang nakakaalam. :)
--wakas--
2 comments:
teary eye (taxio)
Hahaha no violent reaction? Iiyak ka pa eh tapos na. Ok lang yan. Friends naman tayo :)
Post a Comment