Thursday, July 7, 2011

Khareef Festival

Dalawang taon na ako dito sa Middle East. Kahit paano natutunan ko naring yakapin ang kanilang tradisyon at kultura na masasabi kong ibang-iba talaga sa kinagisnan nating mga Pilipino. Noong una hindi ko matanggap at hindi ko lubos maisip kung bakit ganun ang kanilang paguugali at pananaw sa buhay pero habang tumatagal natutunan ko naring makisama sa mga local na Omani. Hindi maiaalis na paminsan-minsan ay nakakaramdam parin ako ng inis at pagkadismaya sa kanilang pinapakita pero naniniwala ako na bahagi ito ng buhay at dahil ang bansa nila ay nabibilang sa “developing countries” dapat ko itong unawain at umasa nalang sa malaking pagbabago sa susunod na mga taon.

Andito ako ngaun sa Salalah. Matatagpuan ang lugar na ito sa pinadulong bahagi ng Oman at tatlong kembot mo lang mararating mo na ang katabing bansa nito—ang Yemen. Kung hindi ka naniniwala subukan mong kumenbot ng tatlong beses bilis! At pag nagawa mo yan tsaka ko sasabihin sayo ang ‘Yeahmen!’ you’re the best! O db narating mo na agad ang Yemen. Hahaha!

Natatangi ang lugar na ito sa buong Middle East dahil dito lang umuulan pagsapit ng July at August samantalang napakainit naman sa ibang lugar tulad ng Saudi, Qatar at Dubai. Kaya naman ang mga naninirahan sa kalapit bansa nito kapag dumarating ang ganitong buwan ay dumarayo dito sa Salalah para mawitness at maramdaman ang lamig na dulot ng ambon at ulan.

Khareef Festival na ngayon. Natatandaan ko pa noong unang salta ko dito sa Salalah. Khareef din noon at dahil bago pa lamang ako sa lugar at walang kaalam-alam, naghahanap ako ng mga Pilipino na pwede kong maging kaibigan. Kaibigan ha? Hindi pa ako naghahanap ng jowa noon. Haha! Sobrang nakakapanibago talaga dahil mula sa aking accommodation hanggang sa pinagtatrabahuhan ko, ako lang ang maganda este Pilipino. Sa tuwing papasok at magaabang ako ng taxi papasok sa opisina, halos lahat ng Pana at Pakistani na makakakita sa akin sa labas ay tumitingin sa akin. Maigsi naman buhok ko, nakadamit lalake naman ako at hindi naman ako kekendeng-kendeng pag naglalakad sa daan. Pakiramdam ko tuloy ang haba ng buhok ko, may make-up, makurba ang katawan, nakaminiskirt at nakahigh-heels! Ako ba si Anne Curtis? Matatawa ka sa mga taong ito na noon lang yata nakakita ng totoong Diosa sa Salalah! Charot!

Seryoso na ito, nahihiya ako na pinagtitinginan ng mga Pana at Pakistani dahil sa aking angking kaputian at konting kacute-an (ayan ha? Humble ako, konti lang). Naiiba ako kasi ako lang ang Pilipino na nandun sa lugar na iyon. Kaya pinilit kong pakiusapan ang aking amo na magmove-out nalang ako at humanap ng ibang flat na may kasamang mga Pilipino din at hindi naman ako nabigo. Simula noon unti-unti ng dumami ang mga nakikilala kong Pilipino at sa lugar nga kung saan andun ang sentro ng pagdiriwang ng Khareef Festival natagpuan ko ang mga Pilipinong aking nakakwentuhan at eventually naging kaibigan narin kahit konti nalang ngaun ang aking nakakausap sa chat dahil after ng khareef festival noong 2009, bumalik narin sila sa UAE.

Napakahirap humanap ng flat sa panahon ng Khareef. Ang ibang walang kontrata ay pilit na mapapaalis sa kanilang tirahan para lang ioccupy ng mga turistang gustong magbakasyon dito. Wala silang pakundangan kung walang malilipatan ang mga dating nakatira doon basta ang nasa isip lang ng may-ari ng flat ay doble o triple ang kikitain nila sa buwang ito. Naranasan ko narin magtawag sa mga hotel dito sa panahon ng Khareef dahil sa nature ng trabaho ko at talagang napakahirap nga namang makakuha kahit standard room dahil sa dami ng turistang pumupunta dito at idagdag pa ang traffic pag uuwi ka ng galing sa trabaho.

Pero bilang OFW dito, ito ang pinakapaborito kong buwan kung saan marami akong nakikitang ibat-ibang lahi. Kahit paano nababawasan ang aking pagkabagot sa buhay OFW. Nanjan ang tiangge, rides, ibat-ibang pagkain, kainan, palabas at kung anu-ano pang pakulo tuwing khareef festival. Ito rin ang panahon na magandang magpicture sa Maharijan o Samharan Village dahil sa iba’t ibang kulay ng rides doon. Ang iba ko namang kaibigan, kanya-kanyang raket at hanap ng pwedeng pagkakitaan sa tuwing sasapit ang khareef. Dagdag kita ika nga.

Kung ikaw ay Pinoy na nandito sa Salalah at never ka pang nakapunta sa lugar kung saan nagtitipon ang lahat ng local at iba’t ibang lahi para maenjoy ang Khareef Festival, namimiss mo ang pinakamasayang buwan sa Salalah. Parang may kilala ako. Ang tamaan si Leth yun for sure haha! Leth tara sa maharidian, sakay tayo sa tren hehehe :)

No comments: