Thursday, July 7, 2011

Ang Semana Santa Sa Middle East

Sa tuwing sasapit ang panahon ng kwaresma sa gitnang silangan, kanya-kanya kaming paraan kung paano ito bibigyan ng kabuluhan. Isa ito sa mga panahon ng mga Kristiyano na hindi madalas nabibigyan ng sapat na atensyon sa Middle East dahil ang karamihan dito ay Muslim. Magkagunpaman, bilang isang Kristyanong OFW, mataas parin ang pagpapahalaga ko na alalahanin at bigyang buhay ang tradisyon na aking kinagisnan.
Maaga palang ay gising na ako. Ihahanda ko na ang aking mga gamit. Handa na akong sumuong at makikipagsiksikan sa haba ng trapik patungo sa aming probinsiya sa Quezon kung saan naghihintay ang aking mahal na mga magulang at kamag-anak. Nasasabik ako sa mga yakap at ngiti na kanilang ibibigay sa aking pagdating, sa pagbati ng mga kakilala, kaibigan at dating kaklase na matagal ko ng hindi nakikita at nakakasama. Bukod pa dun, gusto kong makita ang mukha ng mga taong tulad ko na nasasabik masilayan ang kanilang bayang pinagmulan kahit pa bakas ang hirap at pagod dala ng init at gutom na kanilang nararanasan sa byahe.

Beep. Beep. May nag-text!

Hayyy…

Nakakalungkot. Wala nga pala ako sa Pilipinas. Nasa Oman ako. Bakit ba hindi pa ako masanay? Dalawang taon ko ng hindi nakakasama ang aking pamilya sa tuwing sasapit ang Mahal na Araw. Maliban sa Pasko at Bagong Taon, isa ito sa mga panahong lubos akong nalulungkot dahil hindi ko sila makakasama.
Nakakamiss ang Pilipinas.

Pero bakit ko ba iisipin ang mga bagay na makapagbibigay sa akin ng ibayong lungkot? Nandito ako sa Oman at dapat na maging positibo ako sa lahat ng bagay. Wala man ako sa Pilipinas, pwede ko parin naman gawin ang tradisyon na ipinamulat sa akin ng aking mga magulang bilang isang mabuting Kristyano.

Lubos akong nagpapasalamat sa aking mga kaibigan na dinadala ako sa mabuting landas. Kung hindi dahil sa kanila baka maghapon lang na naubos ang oras ko sa internet at wala man lang akong ginawa upang bigyang kabuluhan ang araw na ito- ang Biyernes Santo. Nakakatuwa lang na sa kabila ng aking personalidad bilang isang mapagbiro at masayahing tao ay nagagawa ko paring pakinggan at alalahanin ang labing-apat na istasyon ng krus na pinagdaanan ng Amang Lumikha.

Sabi nga sa simbahan…

Christus Vincit, Christus Regnat, Christus Christus Imperat….
Ang paulit-ulit na kinakanta pagkatapos ng isang istasyon.

Sa wakas tapos na ang labing-apat na istasyon. Si Beth at Cacai ay sumakit ang tuhod sa pagluhod. Si Jonar at Alex ay seryoso lamang sa kanilang kinauupuan. Nakita ko ang tuhod ni Ochie, kulay mansanas na. Pero kahit magkulay prunes pa yan, alam kong masaya kaming lahat, fulfilling ung pakiramdam na kahit halos 30 minutes kaming nakaluhod at kumukunot ang noo namin ni Leth dahil ang ibinigay na kopya sa amin ng dasal ay mali, kahit papaano naipakita parin namin ang aming kabuluhan bilang isang mabuting Kristyano.

At bilang pagalala sa Semana Santa, alam ko na maliban sa pagpako sa kanya sa Krus at ang pagsalba nya sa atin sa lahat ng ating mga kasalanan, ang isa pang bagay na lubos na pinapahalagahan ng ating kultura bilang isang Pilipino sa panahong tulad nito ay ang pagsasama sama ng bawat pamilya.

Maaaring wala nga ako sa Pilipinas, wala ako sa tabi ng aking tunay na pamilya, hindi ko man sila kasama sa panahong tulad nito, masasabi kong napakaswerte ko parin sa aking mga kaibigan dahil ramdam ko na itinuturing nila akong isang KAPAMILYA. :)

No comments: