Saturday, July 23, 2011

Saranggola ni Kuya

Hindi po ako manunulat. Sa katunayan noong bata po ako hilig ko lang ang magbasa ng komiks at pocketbook na ang tema ay love story, pantasya at minsan kapag nakakalusot, nakakarenta ako ng pocketbook na may kalaswaan ang tema. Sa aming lugar iyon sa tindahan ni Aling Nida na ang anak ay grumaduate na Cum Laude sa UP Diliman. At sa halagang limang-piso bawat isang renta ng pocketbook, alam kong kahit paano nakatulong yun sa kanila. Kaya linggo-linggo rumerenta talaga ako ng pocketbook, kinukupitan ko pa ang Tatay ko kasi madalas nakasabit lang ang pantalon nya sa likod ng pintuan. Hihihi! Tsaka katwiran ko, nakatulong na ako kina aling Nida, sumaya pa ako sa pagbabasa kaya kahit bumabagyo at tumutulo sa loob ng bahay namin dahil butas-butas ang bubong, at kahit sinisigawan na ako ng Kuya ko kasi nababasa na ang sahig namin dahil walang sahod na timba, batya o kaserola ang tinutuluan ng ulan, sige parin ako sa aking paghagikhik, pagkakilig, pagkainis at pag-iinit sa mga tagpo sa bawat istoryang aking nababasa. Hindi ko pansin ang kaserolang katabi ko na nakasahod dahil tumutulo sa aking higaan.

Tamad talaga ako magsulat noon dahil nagkakakalyo ako sa daliri. Basta ang natatandaan ko kapag sumasapit ang foundation day sa school namin, palagi akong isinasali ng aking Teacher sa Essay Writing contest tapos madalas nasusungkit ko ang first prize. Nauungusan ko pa yung mga mas majojonda sa akin sa school kaya ayun nakilala ako sa campus at ng magtapos ako ng HS, pinarangalan ako bilang “Makata ng Taon." O db? Simula noon, parang nakahiligan ko nang gumawa ng mga kwento na habi sa aking mga nakikita, personal na nararamdaman pero karamihan talaga base sa mga nangyayari sa aking sarili na nagbibigay sa akin ng mahalagang aral. Lalo na kapag ganitong puno ng dalamhati ang aking puso, naku mabilis akong nakakagawa ng kwento. Ewan ko ba? Parang mismong ang mga titik, ang mga mapanuksong alaala, sila na mismo ang kusang lumalapit upang ako'y yakapin at hagkan para kahit paano ay umimpis ang nadaramang pagkabigo.

"Kuya, miss ko na ang mga kwento mo. Bakit nga ba di ka na gumagawa ng kwento?" Ang tanong ng isang kaibigan ko sa clan noon.

"Ahmm.. Memory low na kasi cellphone ko eh," ang tangi kong sagot sa kanya. Noon kasi cellphone lang ang gamit ko kapag gumagawa ako ng kwento. Tamad akong magsulat di ba? Pero masipag ako magpipindot sa cellphone. Haha!

Hanggang...

Isang malakas na hangin ang humampas sa aking mukha na nagpabalik sa realidad ng buhay. Asan nga ba ako? Ahhh, oo nga pala, pauwi ako sa probinsya namin. Sa ikatlong pagkakataon, bigo na naman ako sa pag-ibig. Ang ilang taon naming pagmamahalan ay nauwi sa hiwalayan. Tapos nawalan pa ako ng trabaho. Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang buhay ko. Gulong-gulo ako. Speaking of magulo, lintek na katabi ko binuksan ang bintana ng bus nagugulo tuloy ang buhok kong naka-wax!

Hindi sinasadya napadako ang aking tingin sa katapat na upuan kung saan nakaupo naman ang mag-ina. Sa tantya ko mga 38yo ang nanay at 7yo naman ang batang anak na lalaki. Siguro napansin ng bata na nakatingin ako sa kanya kaya ngumiti ito sa akin habang hawak ang kanyang munting saranggola.

“Mabait na bata,” nausal ko sa aking sarili at napangiti ako.

Naalala ko tuloy si Kuya. Ang Kuya ko na ngayon ay nasa Dubai na at masasabi kong naging maswerte sa landas na kanyang tinahak bilang isang Arkitekto. Nakakatuwang isipin na noon magkasama lang kaming naglalaro ng saranggola sa probinsiya tapos ngayon pareho na kaming nagtatrabaho dito sa Middle East.

"Hahaha! Kuya, antaas-taas na ng saranggola! Makakarating kaya xa sa langit?" Ang inosenteng tanong na namutawi sa aking labi.

"Hindi ah! Matayog lang ang lipad nya pero hndi xa makakaabot sa langit!" Ang natatawang wika ng aking kuya habang patuloy ang paglipad ng laruang di tali sa malakas na hangin.

Nang. . .

"Kuya! Bumabagsak xa!" Ang sigaw ko habang patuloy ang panonood ko sa saranggolang unti-unti bumabagsak sa kaparangan.

Tiningnan ko ang Kuya. Pawisan, nakakunot ang noo habang nakatingala sa langit, hindi alam kung ano ang gagawin ng mga oras na iyon hanggang sa tumakbo ito ng mabilis at naiwan akong nag-iisa sa gitna ng parang. Sinundan ko ang kuya. Kahit napagod ako dahil sa pagtakbo nakita ko sa mukha nya ang pagkabigo. Si kuya umiiyak. Bumagsak kasi ang saranggola. Nasira ang sa tuwina’y kasama nya at inspirasyon sa kanyang munting pangarap.

"Alam mo bunso (ako yun), kapag nagpapalipad ako ng saranggola, kapag matayog na ang nararating nito, doon ko natatagpuan ang saya. Naiisip ko na balang araw kapag natupad ko ang mga pangarap ko, kapag matayog na ang narating ko at bigla akong bumagsak, hindi ako susuko. Kahit masakit, pilit ko paring bubuuhin ang aking saranggola, ang aking pngarap," mga katagang sinabi ng kuya noon na hindi ko pa gaanong naiintindihan.

Pier na pala. Natatanaw ko na ang aming isla. Bumaba ako ng bus at sa gitna ng init nilakad ko ang pinakadulo ng sementadong daan dahil nandoon ang aking bangkang sasakyan. Sa aking paglalakad, naaamoy ko ang mga nakabilad na copra. Natatanaw ko rin ang mga mangingisda. Isang oras nalang makikita ko na ulit ang aking bayang sinilangan.

Ang aming isla ay iyong matatanaw sa kahabaan ng Atimonan at Gumaca, Quezon. Kelangan mong tumawid ng dagat para marating ito. Malayo sa nakabibinging busina ng mga sasakyan, sa mga usok ng mga naglalakihang pagawaan at mga tuksong nagkalat sa lansangan. Kaya nga kapag gusto kong magpahinga o magpagaling ng puso, dito ako pumupunta. Pakiramdam ko nandito ang mga alaala na papawi sa aking kalungkutan.

Sumakay ako ng bangka. Nakita ko ang mga pasahero. Ang iba ay pamilyar sa akin, ngumingiti, kaya sinusuklian ko rin ito ng isang malawak na ngiti na parang pinapahiwatig na oo, kilala ko kayo pero ang totoo sa haba ng panahon na hindi ako umuwi, hindi ko sila kilala sa pangalan. Pero magkaganun man, nandoon parin ang espiritu ng pagiging magkakababayan namin.

Sa byahe, ramdam na ramdam ko ang pride ng pagiging isang probinsiyano. Napakasarap damhin ng sariwang hangin na dumadampi sa aking balat na nagbibigay sa akin ng maginhawang pakiramdam, ang bawat tilamsik ng alon na hindi nagpapakaba sa aking dibdib dahil sanay na ako, sa mga mangingisdang kumakaway sa gitna ng karagatan, sa mga isdang sumasabay sa amin at nagtatalunan na parang tuwang-tuwang nakikipaglaro sa amin at sa napakagandang lugar na tumatambad sa aking paligid. Hindi ko kaylanman ikakahiya ang aking pinagmulan.

Isang oras ang nagdaan. Dumaong ang bangka sa pampang. Inililis ko ang aking pantalon at kinuha ang aking gamit. Bumaba ako, lumusong sa tubig at naglakad sa buhangin. Nagpatuloy akong lumakad dahil malayo-layo rin ang aming bahay mula sa pampang. Sa pagdaan ko sa kaparangan, marami-rami parin ang mga batang nagpapalipad ng saranggola. Tumigil ako sa paglalakad. Parang may naguudyok sa akin na manatili muna doon. Umupo ako sa ilalim ng puno. Pinanood ang mga saranggolang lumilipad. Nakakaaliw ang tayog ng kanilang lipad hanggang mapansin ko ang isang saranggolang pula. Naiiba ito sa lahat. Natatangi. Marahil dahil sa kulay at ganda ng design nito. Naalala ko na naman si kuya. Hindi ako magtataka na naging isang magaling na arkitekto ito dahil bata palang siya kakikitaan mo na ito ng husay sa pagdi-desenyo ng mga bagay lalo na sa paggawa ng kanyang saranggola.

“Kuya, bumabagsak na si Pula! Galingan mo! Ilaban mo siya sa hangin. Huwag mong hayaang bumagsak si Pula. Lumaban ka kuya. Lumaban ka!,” ang mga sigaw na rinig na rinig ng tenga ko dahil halos malapit lang sila sa aking pwesto.

Tumingala ako. Unti-unting bumabagsak ang pulang saranggola. Ang kaninang hinangaan ko dahil sa kulay at ganda ng design nito. At habang patuloy ang paglaban ng saranggolang pula sa lakas ng hangin, pinagmasdan ko ang batang nagbitaw ng ganong salita. Mga walong taong gulang siguro. Bata palang pero alam na ang salitang "LUMABAN".

Napailing ako. Bkit nga ba di ko subukang lumaban? Bakit di ko subukang harapin ang mga problema na gumugulo sa akin? Bakit hindi ko tularan ang saranggolang pula na ito na pilit lumalaban sa lakas ng ihip ng hangin upang mas lalong matayog ang marating nito?

Ngayon ko naintindihan ang lahat. Tama ang sabi ni kuya noon na bumagsak man at masira ang saranggola nya, maaari paring buuhin ito o gumawa ng panibago upang muling lumipad para sa mga pangarap.

Ngayon, alam ko na ang sagot sa mga tanong na bumabagabag sa aking isip.

Sa puntong iyon, tumayo ako. Tinanaw ang saranggolang pula na matayog na muli ang lipad at ako’y umusal...



"BUKAS GAGAWA AKO NG SARANGGOLA! KULAY PULA!" PROMISE! Hehehe!


**********************************************************************

Ang kwentong ito ay ginawa ko para sa mahal kong Kuya na walang hinangad kundi ang magtagumpay sa buhay hindi lang para sa sarili niya kundi para rin sa amin. Napakabait ng aking kapatid. Wala siyang hindi ibibigay para sa kaligayahan ko, naming lahat. Happy Birthday Kuya (July 23). Hangad ko ang patuloy na pagtayog ng lipad mo para maabot ang iyong mga pangarap.

:)

2 comments:

Anonymous said...

Keep it up! This is really great dear blogger.

Kian Dela Cuesta said...

salamat po. :)