Tuesday, July 19, 2011

You raped me; You raped me not!

Isa akong probinsiyano mula sa bayan ng Quezon. Nakakaangat ang buhay namin kumpara sa iba kaya kahit paano, kilala ang pamilya namin doon. Nang makapagtapos ako sa kolehiyo, nagdesisyon kami ng kapatid ko na makipagsapalaran sa Cavite. Nagtulong kami upang lalong mapaunlad ang aming pamumuhay at hindi naman kami nabigo. Sa paglipas ng ilang taon, mula sa isang tindahan ay dumami ang sangay nito na nagbigay sa amin ng marangyang pamumuhay.

Ngunit kasabay ng aming pag-unlad ay ang aking paghahanap ng kalinga. Palibhasa nasa probinsiya ang aking nanay dahil isa siya sa ulirang guro doon at ang aking tatay naman ay isang maliit na negosyante din sa probinsiya, halos walang tumitingin at gumagabay sa akin. Ang aking kapatid ay nalulong sa trabaho at ako naman ay malayang nagagawa at nabibili ang nais ko sa buhay.

Matagal ko ng alam na iba ako. Highschool palang ng maramdaman ko ang atraksiyon sa kapwa ko lalake ngunit dahil nanggaling ako sa isang kilala at konserbatibong pamilya, itinago ko ito sa aking sarili. Wala akong pinagsabihan hanggang sa panahon na makapagtapos na ako at makapagtrabaho. Ngunit kahit ganito ako, mataas ang pagpapahalaga ko sa aking sarili.

Nagsimula ang lahat ng matutunan kong magchat sa cellphone. Marami akong nakilala at isa na dito si Alvin. Dahil sa hindi naman bulgar ang aking pagiging homosexual noon, ang cellphone ko lang ang naging saksi sa kung sino ang tunay na ako.

Maraming beses akong umiyak dahil ayaw kong maging ganito. Maraming beses kong tinanong ang Diyos kung bakit ako pa. Maraming beses kong inaway ang sarili ko sa tuwing nagkakacrush ako sa kapwa ko lalake at ilang beses ko ring tinangka na sabihin ito sa ate ko pero hanggang ngaun wala akong lakas ng loob. Hanggang unti-unti ko ng natanggap na ganito ako.

Naging magkaibigan kami ni Alvin hanggang sa napagdesisyunan naming magkita. Mabait si Alvin. Nahulog agad ang loob ko sa kanya. Katulad ko, hindi rin alam sa kanila at wala din siyang pinagsasabihan ng mga nararamdaman nya kaya madali kaming nagkasundo.
Nasundan pa ang aming pagkikita hanggang sa maging kami na nga.

Masaya ang ilang buwan naming pagsasama. Dahil malapit lang ang Cavite sa Maynila kung saan doon siya nag-aaral ng kolehiyo, nagkikita kami every weekend. Namamasyal at kumakain kung saan kami abutan ng gutom. Para sa akin siya lang ang lalake. Walang iba. Wala akong paghahandugan ng aking sarili kundi si Alvin lang. Ganun ang pagpapahalaga ko sa relasyon. Ganun din ang pagpapahalaga ko sa sarili ko.

Sumapit ang bakasyon. Kinailangan nyang umuwi ng Laguna kung saan nandun ang kanyang pamilya. Malapit narin ang kanyang birthday noon at ang gusto nya pumunta ako sa mismong araw ng birthday nya para maipakilala niya ako sa kanyang mga kaibigan. Ayos lang naman sa akin. Nataon din naman na kinailangan kong umuwi ng Quezon noon kaya sa aking pagbalik pauwi ng Cavite, dumaan muna ako sa Laguna para makita siya sa kanyang kaarawan.

Sinundo nya ako sa babaan ng bus. Hindi ko alam ang pasikot-sikot sa laguna kaya sinundo nya ako. Amoy ko na ang alak sa bibig ni Alvin ng bumulong siya sa akin ng "iloveyou". Sa isip ko nakakarami na ng inom. Pumunta kami sa venue ng kanyang birthday. Nakilala ko rin ang mga kaibigan nya. At dahil hindi naman ako palainom ng alak madali rin akong tinablan. Halos umikot din ang aking ulo sa dami ng aking nainom na alak.

Sinabi sa akin ni Alvin na hindi kami pwedeng matulog sa kanila. Kaya napagdesisyunan namin na magcheck-in nalang sa isang tagong hotel. Ako, si Alvin at isa pa nyang barkada, binagtas namin ang daan patungo sa hotel. Akala ko, ihahatid lang kami ng barkada nya, pero ng binigay na sa akin ang susi ng hotel, kasama parin namin sa loob ang barkada nya. Ayaw ko sana pero mapilit si Alvin at ayaw ko naring makipagtalo dahil pare-pareho na kaming nakainom.

Sa loob ng hotel, hindi ako makagalaw ng maayos. Siguro kung kami lang ni Alvin ang nandoon, panatag ang loob ko dahil maraming beses na naman naming ginawa ito sa Maynila. Umupo ako sa isang silya sa gilid ng kwarto. Nakita ko ng isa-isa nilang hubarin ang kanilang damit. Para silang mga bata sa ginagawa nilang paghagis ng kanilang mga saplot. Nagpapalakihan pa sila ng muscles sa braso, at dibdib.

Pinagmasdan ko lang sila. At ng mapansin nila ang aking pananahimik sa isang sulok, lumapit si Alvin sa akin. Nahihiya daw ba ako? Sabi pa nya, huwag akong mahiya dahil pare-pareho naman kaming lalake.

Pinilit nyang hubarin ang polo shirt ko. Kahit nahihiya ako sa barkada nya, wala akong nagawa dahil si Alvin na mismo ang naghubad sa akin. Niyakap ako ni Alvin habang sa sulok ng aking mga mata, alam kong pinanonood kami ng barkada nya. Paulit-ulit nyang binubulong sa akin na mahal nya ako habang hinahalik-halikan nya ako sa pisngi, noo, leeg, tenga at labi. Nakatayo lang ako habang ginagawa ni Alvin ang mga bagay na iyon sa harap ng barkada nya.

Pumasok ng shower room ang barkada nya. Nakita ito ni Alvin at sumunod siya. Naririnig ko para silang mga mga batang naglalaro sa shower. Sumisigaw, nagtatawanan hanggang tawagin ako ni Alvin. Sumilip ako sa pinto at nakita ko na wala na silang saplot. Pareho silang naliligo ng hubo't- hubad. Tuwang-tuwa sila sa patak ng tubig na dumadampi sa kanilang mga katawan.

Hinila ako ni Alvin kahit nakapantalon pa ako, kaya nagpumiglas ako. Bumalik ako sa kama at umupo. Sumunod sa akin si Alvin at niyakap ako, hindi alintana ang basa at hubad nyang katawan. Pilit na hinuhubad ang natitira ko pang saplot sa katawan. Napilit ako ni Alvin. Urong-sulong man ang aking mga paa pagpasok sa shower room ay wala na akong nagawa dahil pakiramdam ko nagaanyaya ang lagaslas ng tubig sa loob ng banyo. Tumapat sa akin ang dutsa ng tubig at napasinghap ako. Niyakap ako ni Alvin at naramdaman ko ang kanyang mga halik patungo sa aking labi. Naghalikan kaming dalawa. Marahil dala narin ng alak kung bakit ako nadadarang sa nangyayaring iyon. Ilang sandali pa naramdaman ko narin ang pagyakap sa akin ng kanyang barkada. Nakatitig ako kay Alvin na parang humihingi ng saklolo subalit iba ang nababasa kong ekspresyon sa mukha nya. Siya pa ang kumuha ng kamay ng barkada nya para iyakap sa aking hubad na katawan.

Nagtatalo ang isip at puso ko noon. Ayoko. Hindi pwede. Hindi ito maaari. Pero kahit anong pigil ko na sa kanila malaya nilang nagawa ang gusto nila. Dalawang labi ang nagpakasasa sa katawan ko na ipinangako kong kay Alvin ko lang ibibigay, sa lalakeng aking minamahal.

Hindi ko alam kung paano natapos ang lahat. Kung paanong lumipas ang gabi pagkatapos noon. Basta ang natatandaan ko hindi ako nagsalita, hindi ako umiyak, hindi ako natulog magdamag.

Maaga palang nilisan ko na ang lugar na iyon. Tulog pa ang dalawa. Ayaw ko mang isipin ngunit nararamdaman ko parin ang kanilang mga halik at dampi sa aking katawan.

Wala pang tricycle na dumaraan. Marahil masyado pang maaga. Pero gusto ko ng umalis. Gusto ko ng lisanin ang lugar kung saan nakaranas ako ng pait.

Tumakbo ako. Binaybay ko ang malawak na kaparangan. alam ko mas madali akong makakarating sa bukana kung babaybayin ko ang madamong kaparangang ito. Ngunit napaluhod ako sa pagod. Ilang minuto ang aking pinalipas at ipinagpatuloy kong muli ang aking pagtakbo hanggang sa marating ko ang bukana. Sumakay ako ng bus at habang pauwi ako ng cavite hindi maalis sa isip ko ang nangyari. Diring-diri ako sa sarili ko. Ambaba ng tingin ko sa sarili ko at tuluyan na akong bumigay. Umiyak ako. Mabuti nalang at wala akong katabi sa bus noong mga oras na iyon.

Nakatanggap ako ng text mula kay Alvin.

"Mahal, hiyang-hiya ako sayo. Humihingi ako ng kapatawaran sa kapangahasang ginawa namin sa iyo. Lasing lang kami. Patawarin mo ako...

"Mahal? Ganun ba ang pagmamahal? Hinayaan mong matikman ako ng barkada mo tapos ngaun sasabihin mong mahal mo ako? Anong klaseng pagmamahal yan?! Alam mo Alvin, angbaba na ng tingin ko sa sarili ko at yun ay dahil sayo!

Matagal ko ring tiniis si Alvin. Kahit mahal ko siya hindi ko ginawang magtext or magparamdam sa kanya ng ilang buwan. Tinapos ko ang relasyon namin dahil sa pangyayaring iyon. Hanggang sa natutunan ko narin na patawarin siya at ibalik ang dating pagtingin sa sarili.

At ngaun, kapag naaalala ko ang nangyari, natatawa nalang ako sa sarili ko. Ibang-iba na ako ngaun. Ibang-iba na ang KIAN na dating inosente, stick-to-one at ibibigay lang ang sarili sa taong mahal nya o sa karelasyon nya. Binago ako ng mga karanasan at pinatatag ng pait at pagkabigo sa pag-ibig. Minsan nakakamiss ang dating ako. Pero alam ko na kahit maraming nagbago sa sarili ko, napapanatili ko parin ang aking pagiging isang mabuting tao at marunong parin akong magmahal ng totoo.

Charing!

2 comments:

Aris said...

interesting story. like! :)

Kian Dela Cuesta said...

wow! thanks Aris.. :)