
"Mahal kita pero hindi sapat ang pagmamahal lang..." ang salitang lumabas sa aking bibig ng gabing iyon. Malalim ang sakit na aking nararamdaman ngunit pigil ang luhang gustong pumatak.
Napasandal si "J" habang umiiyak. Hawak hawak nya ang aking kamay. Ayaw bitawan. Ayaw pakawalan. Subalit buo na ang desisyon ko. Aalis ako sa lugar na iyon at bubuuhin ko muli ang buhay at mga pangarap na dalawang taon kong kinalimutan dahil sa kanya.
"Naisakay na po sa truck ang lahat ng mga gamit. Babalik na po ba tayo sa Cavite?" ang magalang na tanong sa akin ng aming driver.
Bigla kong binawi kay "J" ang aking kamay sa pangambang makita ito ng aming driver. Ayokong magkaroon ng issue sa bahay pag-uwi ko. Dalawang taon kong itinago sa aking pamilya ang pakikipag-live-in dahil nahihiya akong malaman nila ang tunay kong pagkatao. Hindi pa ako handa.
At nagsimula na akong humakbang palayo. Mabigat man sa aking dibdib, alam kong tama ang naging desisyon ko. Kailangan naming maghiwalay upang matutunan nyang harapin ang buhay na wala ako. Kailangan nyang matutong tumayo sa sariling mga paa.
Napakasakit. Bata palang ako pero marami ng beses na nabigo ako sa pag-ibig. At eto nga ang pinakamasakit. Dalawang taon akong nakipag live-in pero nauwi rin ang lahat sa wala. Lahat ng pagsisikap ko para sa aming dalawa ay parang nabalewala lamang.
Kung sana nagsikap rin siya.
Kung sana naging responsable siya.
Kung sana hindi lang siya umasa sa kakayahan ko.
Kung sana....
Ngunit tapos na. Ayaw ko siyang sisihin dahil sa kabila ng lahat, ipinaramdam nya sa akin ang kanyang pagmamahal. Buong-buo, walang pag-aalinlangan.
Pumatak ang aking luha. Marahil napansin ng aming driver ang paghikbi ko ng lisanin namin ang pugad ng aming pagsasama ni "J" pero wala na akong nagawa. Nagdurugo ang puso ko at hindi ko na kayang pigilan pa ang sakit na nararamdaman ko. Kaya malaya kong pinakawalan ang luhang kanina pa gustong kumawala sa aking mga mata.
Namatay ang puso ko pero alam kong darating din ang araw na pipintig itong muli sa tamang panahon at pagkakataon.
No comments:
Post a Comment