Monday, July 18, 2011
Napakahabang Paghihintay
Kaytagal ng lumipas ang panahon sa ating dalawa. Ilang taon na nga ba ang lumipas? 5 or 6 na taon na yata pero last year lang, taong 2010 ng tuluyan kong isara sa puso ko ang sa pakiramdam ko'y napakahabang chapter ng ating pag-ibig na kung tutuusin, tumagal lamang naman ito ng tatlong buwan...
Tandang-tanda ko pa, pareho tayong may karelasyon noon. Mahal naman natin ang ating mga partner. Naging sincere naman tayo sa kanila. Masaya naman tayo kapag kasama natin sila. Pero bakit nagagawa parin nating magloko? Bakit nagulo parin ang puso nating dalawa? Bakit nagawa parin nating mahalin ang isat-isa kahit bawal.
Bawal. Dahil pareho tayong committed.
Bawal. Dahil merong masasaktan.
Bawal. Dahil labag sa kagandahang asal.
******************************************************
Sa baywalk kasama ng mga kumukutitap na ilaw doon tayo unang nagkita. Napakasarap pagmasdan ng iyong mga ngiti at habang kumakain tayong dalawa, panay ang sulyap natin sa isa't isa. Marahil kinakapa natin sa ating mga puso ang ating tunay na nararamdaman. Ang alam ko noon, katatapos mo lang sa isang mahaba-habang relasyon at ako naman, hindi lingid sa iyong kaalaman, ay committed parin sa aking jowa noong panahong iyon. Pero kahit ganun ang aking sitwasyon, pinagbigyan ko parin ang sarili ko na makipagkita dahil meron akong nararamdaman para sayo. Isa pa, noong panahong iyon nagkakalabuan narin kami at maliban sa kanya, ikaw lang ang taong nagparamdam sa akin ng pagmamahal.
Ilang sandali pa, nilisan natin ang lugar na iyon at dinala mo ako sa isang silid kung saan gusto mong iparamdam sa akin ang iyong pagmamahal. Hindi ako tumutol. Kahit alam kong kasalanan ang gagawin ko, kahit alam kong may masasaktan at kahit alam kong labag ito sa kagandahang asal, ako'y nagpaubaya. Ibinigay ko ang sarili ko sayo at ginantihan ang bawat dampi ng iyong labi sa aking katawan. Ipinaramdam ko rin sa mga oras na iyon ang aking pagmamahal at pagpapahalaga sayo bilang isang tao, kaibigan, kasuyo or sabihin na nating kabit dahil iyon naman talaga ang lalabas na papel mo sa buhay ko.
Naghiwalay tayo ng gabing iyon na masaya at walang pagsisisi.
Bumalik ako sa piling ng aking jowa at habang lumilipas ang mga araw, mas minamahal kita kesa sa kanya. Cguro nagsawa narin ako sa mga panloloko nya sa akin, nagsawa na akong magpatawad at napagod na akong mahalin siya. Handa na sana akong igive-up ang lahat at iwan siya ng bigla ka namang mawala na parang bula. Hindi ko alam kung anong nangyari. Basta bigla ka nalang naglaho na walang pasabi.
Hinanap kita.
Nagtanong-tanong ako ngunit walang makapagsabi sa akin.
Wala akong makausap dahil patago lang naman ang relasyon nating dalawa.
Natatakot naman akong magtanong o magsalita sa mga common friends natin dahil baka husgahan nila ako sa ginawa nating dalawa.
Hindi ako makatulog. Hindi ako pinatatahimik ng pag-iisip. Sukol na sukol na ako.
Hanggang nagdesisyon akong sabihin ang lahat sa isang tao na alam kong tapat na kaibigan.
Sa kanya ako umiyak. Sa kanya ko ibinuhos ang lahat ng nararamdaman ko.
Handa ko ng iwan ang lahat para sayo.
Handa na akong harapin ang meron tayong dalawa.
Mahal na mahal kita alam mo ba yun?
Pero nasaan ka na?
Bakit bigla ka nalang nawala at iniwan ako?
Ayokong isipin na tinikman mo lang ako.
Ayokong isipin na hindi mo ako tunay na minahal.
Ayokong isipin na pinaglaruan mo lang ang damdamin ko.
Nakarma ba ako?!
Lumipas ang 3 taon (2008), naglalakad ako sa trinoma kasama ng mga kaibigan ko ng hindi sinasadyang makita ka ng mga mata ko. Parang tumigil ang paligid. Totoo pala yun? Akala ko sa pelikula lang nangyayari pero naramdaman ko ang pagtigil ng mundo ng makita kita. Tatlong taon na akong hiwalay at malaya. Tatlong taon narin na dala-dala ng isip at puso ko ang mga tanong at sakit sa bigla mong pag-iwan sa akin. Tapos makikita kita may kasamang ibang lalake? Shit!
Nginitian mo ako, tanda na nakita mo rin ako kung saan ako nakatayo ngunit wala akong pagkakataon na kausapin ka at linawin ang lahat. Kung gaano kabilis na nasulyapan ka ng mga mata ko, ganun din kabilis na ikaw ay naglaho. Para kang hangin na dumaan lang ngunit nagiwan ng gulo sa puso't isip ko. Ganun ang palagi mong ginagawa sa akin and i really hate it! Pagkatapos noon, dumerecho ako sa MRT station, marami ng pasahero ang dumating at umalis pero hindi parin ako sumasakay sa tren. Naisip ko, masakit parin pala. Tatlong taon na un, dapat ko ng kalimutan pero bakit kinukurot parin ang puso ko? Hindi parin ba ako nakakamove-on? Siguro nga makakamove-on lang ako kapag naging malinaw na ang lahat. Kapag nakausap kita. Kapag nagkaroon na ng closure. Napakahirap on my part kasi ako lang yata ang nagmamahal sayo, ako lang ang naghihintay...
Hindi ko na ulit siya nakita ngunit sa pag-usbong ng mga networking sites at sa pagiging active ko sa facebook, nalaman ko na nasa Singapore na pala siya at doon na nagtatrabaho. At sa wakas, dumating ang araw na aking pinakahihintay.
Nagkausap kami. Sa chat, malaya kong sinabi ang lahat ng aking nararamdaman. Mabuti nalang at hindi namin naisipan magwebcam kaya hindi nya nakita ang aking pag-iyak habang kausap ko siya noong oras na un. Oo umiyak ako dahil matagal akong naghintay sa kanya. Kelan lang ba nangyari ang paguusap na ito, last year 2010. Antagal diba? Marami ng pangyayari ang naganap, marami ng unos ang nalagpasan ko sa buhay ko pero 5 years bago nasagot ang lahat ng tanong na matagal na nanirahan sa puso at isip ko.
Humingi siya ng paumanhin. At least, narinig ko yun mula sa kanya. Sa napakatagal na paghihintay, iyon lang pala ang makakapagbigay sa akin ng katahimikan. Tinanggap ko un ng buong-buo at sa pagkakataong iyon, malaya kong isinara sa puso ko ang napakahabang chapter ng aming pag-ibig. Kasabay noon ang isang bagong pakikipag-kaibigan na inihain nya sa akin na buong puso ko namang tinanggap.
Ngayon, masasabi kong okey naman kami. Masaya sa pagkakaibigang umusbong muli sa pagitan naming dalawa. :)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment