Wednesday, August 31, 2011
Panaginip
Sa pagdilat ng aking mga mata, kasabay nito ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Humihikbi ako. Umiiyak.
Pasado alas-4 palang ng madaling araw. Napakatahimik ng paligid. Madilim ang bawat sulok ng silid. Pumikit akong muli. Kahit medyo naninikip ang dibdib, sinikap kong pulutin ang bawat piraso ng aking panaginip. Pinagtagni-tagni ito hanggang unti-unting mabuo.
********************
Umalis saglit ang aking ina sa bahay. Hindi man malinaw kung saan siya pumunta, alam kong naiwan nyang bukas ang pintuan. May mga lalake, tatlong lalake. Pilit kong inaaninag ang kanilang mukha sa aking isipan ngunit hindi ito maarok ng aking utak. Malabo ang rehistro ng kanilang mukha sa aking alaala at kahit kulay ng kanilang mga suot ay hindi ko narin natandaan.
Pumasok ang tatlong lalake sa bahay. Ninakaw ang aming mga kagamitan. Habang ginagawa nila ito, isang tsismosang kapitbahay ang nakiusyoso pero pagkatapos nun, nawala narin siya sa eksena. Para siyang hangin na dumaan lang sa aking panaginip.
Sumunod ang aking Tito na nakatira lang din katabi ng aming bahay. Nakita daw niya kung paanong isakay ang aming mga gamit sa isang nakaparadang sasakyan pero hindi nya nagawang magtanong sa mga ito.
Ilang minuto ang lumipas, dumating ako sa bahay. Pagbukas ko ng pinto napansin ko na wala na ang aming tv. Wala narin ang cabinet sa kusina at pagbukas ko ng aking kwarto, wala narin ang cabinet ko kung saan nandun ang lahat ng aking mga gamit, damit at naipong pera...
********************
Pilit kong hinanap ang kahulugan ng aking panaginip sa internet dahil narin sa udyok ng isang kakilala sa facebook (Stefania Fernandez) pero para akong naghahanap ng balon sa gitna ng disyerto. Napakahirap hanapin. Hindi ko matagpuan.
Sa aking pagiisip, paulit-ulit kong pinagaralan ang aking panaginip kaya kahit hindi man sigurado, nakabuo ako ng sariling conclusion base sa lawak ng aking karanasan at naaabot ng aking kaisipan.
Maaaring ang kahulugan ng aking panaginip ay may kinalaman sa aking trabaho at pamilya. Maaaring isang araw, mawala nalang bigla ang lahat ng tinatamasa kong karangyaan sa buhay na makakaapekto sa kalagayan ng aking ina at ng aking pamilya. Nakakatakot man isipin pero nagpapasalamat parin ako.
Dahil sa aking panaginip, palagi kong maiisip na magdasal at pagbutihin ang aking trabaho. Ito ang aking magiging gabay upang lalong pahalagahan ang meron ako ngaun at mga bagay na darating pa sa mga susunod na mga araw...
Ikaw, palagi ka rin bang nananaginip?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

1 comment:
Interesting..
Post a Comment