
"This morning, I received SMS from my Dad in the Philippines and I’m so glad coz he knows how to make and send message na. Before kasi, ang alam lang nya mag-call. Yun lang. Tapos, minsan nga kapag kausap ko hindi nya ako masyado marinig kasi tumatanda na siya. But I must say this to all of you, I am really a proud son of my dearest loving father.”
Bago pa man kami makarating sa estado ng buhay na meron kami ngayon, maraming hirap at pagsubok ang dinaanan ng aming mga magulang. Hindi biro ang mga dagok na naranasan nila lalo na ng aking ama na nagmula sa isang pamilyang salat sa lahat ng bagay.
“Kiko, bumangon ka na jan at marami ka pang gagawin sa bukid, mauuna na ako sa ilaya at pakakainin ko pa ang ating kalabaw, sasama narin ako kay pareng berto para mangisda, ikaw na ang bahala sa bukid,” ang utos ng aking lolo sa aking ama.
“Opo,” ang sagot ng aking ama na noon ay pupungas-pungas pa dahil madaling araw pa lang ng mga oras na iyon subalit kailangan na nyang tulungan si lolo sa paghahanap-buhay para may makain ang kanyang mga nakababatang kapatid.
Mabait si itay. Mapagbigay. Maasikaso. Masipag. At gwapo kahit maitim ang balat. Sa murang edad pa lang nya, lahat ay makakaya nyang gawin para sa pamilya nya. Kaya kahit sa ilalim ng kainitan ng araw, nagaararo siya sa bukid para maitawid lang sa hirap ang kanyang pamilya. At sa araw-araw na ginawa ng Diyos, tanging ang kalabaw ang kasa-kasama nya at naging kaibigan sa lahat ng oras. Doon, sa ilalim ng punong mangga, habang abala ang kanyang kalabaw sa pag ngasab ng mga damomg ligaw, siya naman ay kumakain ng kanyang pananghalian, nagtitiis sa nilagang kamote na hinanda ng aking lola para sa kanya.
Nang dumating ang babaeng nagpatibok sa kanyang puso, ang mga katangiang ito ng aking ama ang baon nya para masungkit ang puso ng aking ina at hindi naman siya nabigo. Kahit medyo nakakataas ang antas ng buhay ng aking ina kumpara sa aking ama, hindi ito naging basehan para sa aking ina na mahalin ito at bigyan ng pagkakataon. Sa una ay maraming balakid sa kanilang relasyon ngunit ito ay kanilang napagtagumpayan. Ikinasal nga sila ngunit kailangan ng aking ama na patunayan ang kanyang sarili sa pamilya ng aking mahal na ina na sa simula palang ay tutol na sa kanilang pagpapakasal. Dumaan ang mga araw, dahil sa tyaga, sipag at pagtutulungan ng aking mga magulang, nakapagpagawa sila ng isang pampasaherong bangka sa aming probinsiya at mula doon, bumuhos ang swerte sa kanilang dalawa. Mula sa isang bangka, naging dalawa ito, tatlo, hanggang makapagpatayo narin sila ng sariling tindahan sa aming lugar.
Hanggang….
“Kiko, manganganak na ata ako…..!” ang sigaw ng aking ina habang hawak-hawak nya ang kanyang tyan at nakakapit sa poste ng aming bahay.
“O.. ah..cge, dito.. humiga ka muna at ipapatawag ko na si aling matilda,” ang natatarantang sagot ni itay.
Madaling araw ng ako’y inire ng aking mahal na ina. Basang basa daw ang kumot na ipinansapin dahil sa dami ng tubig na lumabas kasama ako. Hmmmm so ibig sabihin, sanggol palang ako marunong na akong lumangoy at sumisid. Kahit umibabaw este sa ibabaw at ilalim ng tubig ay pwede ako. Ganun??? At mahilig na rin akong uminom ng juice at ice tea noon? Kaya pala. Kaya pala ang hilig kong sumupsop este sumipsip. Weeeh? Whatever! Feather! However! Forever! Duster! Baler! Quezon!
Bunso nila akong anak. Kasama ng aking ate at kuya, bata palang ay sinanay na kami ng aming magulang na maging masinop sa pagpapatakbo ng negosyo. Ito na ang nakasanayan naming tatlo. Ang magsukli sa mga taong bumibili sa aming tindahan. Ang magbilang ng piso-piso at limampiso para makabuo ng isang-daan at ilagay sa plastic para ipambayad ng koryente (syempre may kupit na ako dun). Ang magkilo ng bigas, miki bihon, gulay at tuyo. Ang maglista ng mga pangalang gustong bumili ng karneng baboy kapag dumating na ang tamang panahon para katayin ang mga alagang baboy ni ama. Ang magpakain ng mga sisiw at maglinis ng mga ipot nito para after 45 days, pwede ng mabenta at syempre pa, fried chicken din ang ulam namin. Ang maghakot ng mga paninda mula sa daungan hanggang sa tindahan namin gamit ang sidecar, na inangkat pa ni ama sa bayan ng Gumaca. Ang tumulong kay inay sa paghalo ng adobong mani sa kawali para maitinda din ito, ang tumulong sa paggawa ng ice candy na ipapalako sa aming lugar kapalit ng ilang porsyento at ang gustong gusto ko, ang mamitas ng paminta sa aming bakuran. Kasi nararamdaman ko, paglaki ko ako’y magiging isang PAMINTA. Lol!
Lahat ata ng pwedeng pagkakitaan ay ginawa ng aking ama para maibigay ang aming pangangailangan at bilang ganti sa kanilang pagpupursige, hindi rin namin sila binigo. Si ate nakapagtapos bilang isang nurse, si kuya naman, natapos nya ang pagiging isang arkitekto at ako naman ay hindi parin makagraduate sa paglalandi. Charot! Ako naman po ay graduate ng business administration. Isa ito sa pangarap ng aking ama, ang mapagtapos kaming lahat sa kolehiyo sa aming kursong napili na kailanman ay hindi nya nagawa sa buhay nya. Grade six lang kasi ang kanyang natapos kaya bata palang kami, ipinamulat na nya sa amin ang kahalagahan ng edukasyon at syempre malaking bagay sa tagumpay na ito ang pagsuporta nila sa amin sa kabila ng kahirapan ng buhay.
Hanggang ngaun, hindi parin tumitigil si Daddy (wow Daddy na talaga ang tawag ko, naglevel up na kasi siya e hahaha!). Mula sa pagiging isang magbubukid noon, tumutulong nalang siya sa pagpapahiram ng kalabaw sa pamilyang nangangailangan nito na walang kakayahang bumili, kapalit ng ilang sakong bigas para sa aming pamilya. Alam kasi ni Daddy kung gaano kalakas ang kalabaw para matapos ang trabaho sa bukid. Ngunit higit pa dun, alam nya, na dahil sa kalabaw na siyang naging kaibigan nya at tagapakinig noon sa lahat ng pangarap na gusto nyang matupad, dito rin siya natutong maging malakas. Ito ang naging inspirasyon nya sa pagharap sa hamon ng buhay at tuparin ang mga pangako at pangarap nya para sa amin.
Nakakabilib ang aking ama.
Kaya ako, mag-aararo nalang sa bukid pag-uwi ko ng Pilipinas. At kakain ng nilagang kamote.
Masaya iyon.
Charosssss!
No comments:
Post a Comment