Pagkatapos ng lahat ng nangyari, itinuon ko ang aking atensiyon sa pamamasyal kasama ng aking mga kaibigan at ng aking kuya. Hindi narin ako pumunta sa hotel kung saan sila nandun dahil ayoko namang makaistorbo masyado sa kanilang pagbabakasyon. Kaya nga kami pumunta ng Dubai para makapamasyal kaya ibibigay ko sa kanila ang oras para doon. Tutal, uuwi din naman kami ng Oman at alam ko masusundan pa ang pagniniig namin.
Naging masaya naman ang bakasyon ko. Bukod sa mga kaibigan na nakasama ko, lalo itong nabigyan ng kulay dahil sa karanasan ko sa magpinsan na sa hinagap ay hindi ko inaakalang mangyayari.
Ilang araw ang lumipas, bumalik ako ng Oman at tama nga ang aking naging sapantaha. Naulit ng naulit ang pagniniig namin ni Hakeem. Sinusundo nya ako sa bahay at minsan kapag may oras siya, siya narin ang sumusundo sa akin pagtapos ko sa aking trabaho. Ganun ang naging set-up namin ni Hakeem. Hindi iyon naging mahirap para sa amin dahil may sarili siyang sasakyan at bahay at nadadala nya ako doon kung kelan namin gustuhin. Hindi man namin pinaguusapan ang estado ng aming relasyon, alam namin sa aming mga sarili na mahalaga sa amin ang isa’t-isa.
Si Majid naman, dahil patuloy ang aming communication (lingid sa kaalaman ni Hakeem), nalaman ko na naassign siya sa Capital City na kung tutuusin ay masyadong malayo sa lugar ko kaya hindi narin kami nagkaroon ng pagkakataon na magkitang muli. Sa text at tawag nalang kami nakakapagusap pero tulad ng dati, nasa puso ko parin ang paghanga sa kanya dahil bukod sa natatanging kagwapuhan ng lalaking ito, hindi nya ako nagawang kalimutan.
Lumipas ang araw at buwan, bigla nalang nawala si Hakeem. Hindi ko alam kung anong nangyari. Naisip ko baka nalaman nya ang nangyari sa amin ng pinsan nyang si Majid. Baka nagdamdam ito at sa tuwing sinusubukan ko siyang tawagan sa telepono, out of reach palagi ang aking naririnig. Nagalala ako. Parang hindi ako sanay na wala siya.
Dumating ang araw ng pagbabakasyon ko sa Pilipinas. Isinantabi ko muna si Hakeem. Ayokong mabahiran ng pagaalala at kalungkutan ang dapat na masayang araw ng buhay ko sa piling ng aking pamilya na matagal kong hindi nakasama dahil sa pagtatrabaho ko bilang OFW. Nagenjoy ako ng husto sa Pilipinas. Wala akong sinayang na araw sa buong isang buwan ng aking bakasyon. Nakipagkita ako sa mga kaibigan ko at talagang naramdaman ko na “there’s no place like home."
Pagbalik ko ng Oman, nagpatuloy ang buhay ko ngunit kasabay nito ang biglang pangungulila. Wala na nga ako sa piling ng aking pamilya tapos wala rin si Hakeem na siyang nagbibigay ng ligaya sa akin dito sa gitnang silangan. Nagbalik ang lungkot sa buhay ko. Nakaramdam na naman ako ng pag-iisa at paghahanap.
Isang gabi, habang nasa loob ako ng kusina at nakaharap sa stove at busy sa pagprito ng manok na babaunin ko kinabukasan sa trabaho, wala akong kamalay-malay na meron palang tao sa likuran ko na malayang nakapasok sa bahay at pinagmamasdan lang ako. Kukunin ko sana ang tupperware sa cabinet pero laking gulat ko ng makita ko si Hakeem.
Sa totoo lang hindi ko maexplain ang nararamdaman ko. Mixed emotion ika nga. Kahit hawak-hawak ko ang sandok bigla ko itong binitawan at yumakap kay Hakeem. Sinuklian naman nya ito ng mahigpit na yakap at halik sa aking pisngi. Sabik na sabik kami sa isa’t-isa at maluha-luha naman ako dahil sa wakas nagbalik si Hakeem sa buhay ko.
Nagkwentuhan kaming dalawa. Nalaman ko na naiwala nya ang kanyang cellphone kaya hindi nya rin ako nacontact agad. Hindi daw nya kabisado ang numero ko. Pumunta din daw siya sa office namin kung saan ako nagtatrabaho pero ang sabi sa kanya nagbakasyon ako sa Pilipinas. At ngaun nga, nagbaka-sakali siya na nakauwi na ako ng Oman. Swerte naman at naiwang bukas ang pintuan ng aming flat kaya malaya siyang nakapasok at sa kusina nga nya ako natagpuan.
Sapat na ang mga salitang iyon para bigyan ko muli siya ng mahigpit na yakap at halik.
“I really miss you”
“I miss you too, Habibi…”
******************************************************
At ngayon nga, heto ako sa apat na sulok ng aking silid, nakatulala, may kislap ang mga mata, ilang minuto narin ang nagdaan mula ng umalis sa flat ang hindi ko inaasahang bisita-- si Hakeem, pero hindi parin mawala ang ngiti sa aking mga labi.
Alam ko simula ngayon, hindi na ako mag-iisa.
At hindi na ako malulungkot.
Hindi man ito maging panghabambuhay, masaya ako dahil minsan sa buhay ko nakatagpo ako ng katulad nya. May respeto, nagtitiwala at handang magmahal sa kabila ng pagkakaiba ng aming lahi at kultura.
****end*****
2 comments:
nice story. pahiram naman si majid mo?..hehe..
muscatboi
hahaha @josh. I-text mo :)
Post a Comment