
Napaisip ako nang marinig ko 'to sa palabas na Guns & Roses na pinagbibidahan ni Robin Padilla at Bea Alonzo sa isang teleserye ngaun sa dos. Napaisip ako kasi sa puntong ito, hindi ko alam kung nasa moving stage pa ba ako or nakamove on na sa last relationship ko. Basta ang alam ko ngaun hindi ko na siya palagi hinahanap, hindi ko narin masyado tinitingnan ang mga tweets nya pati narin ang status nya sa facebook at madalas hindi ko narin siya naiisip bago ako matulog. Indikasyon na nga ba ito na handa na ulit ako sa panibagong yugto ng buhay pag-ibig ko?
Lumabas ako ng flat. Alam ko kabaliwan ang gagawin ko pero umakyat ako sa roof top ng aming building at doon ako ay umupo at tumingala upang tingnan ang lawak ng kalangitan. Umaasa ako na sa gabing ito ay may makikita akong shooting star kahit isa lang para patunayan na tama ang narinig ko kanina.
Matagal-tagal rin akong naghintay, kalahating oras..... Isang oras..... Isang oras at kalahati hanggang....
"Aray! Shit!" At bigla akong napatayo sa aking kinauupuan.
Pasaway na langgam. Buti nalang nasa itaas palang siya ng aking alak-alakan ng maisipan nya akong kagatin. Eh paano kung medyo bastos ang langgam na ito at sa singit o kaya naman sa hmmmm o kaya sa kuyukot nya ako kinagat. Naku kukulutin ko talaga ang buhok nya na parang poon o kaya kakalbuhin ko nalang para hindi na siya makapagmaganda. Echoserang langgam. Lol!
Umisod ako sa kabilang side at sa aking pagkakasandal sa pader, komportable kong natanaw at nasulyapan muli ang mga bituin sa langit na parang nagaanyaya na sila'y aking abutin at yakapin. Nagniningning ang mga bituin. May malaki at may maliit. Meron ding aandap-andap.
"Hmmmm sino kaya sa mga yan ang mga ex ko?" Hihihi! Bakit ba bigla ko nalang sila naisip? :)
Sino kaya jan si Rico, si Humpz, si Jc, si Rb, si Silverdust, si Babyblue, si Renz, si Arbin, si Cy, si Perry, si Jubei, si Aishteru, si Taxio, si Jp at si Jerwin. Isama pa natin ang mga nasa singkwenta na aking naka MU at nakatrip sa kung saan-saang lupalop ng mundo. I'm so malandi talaga like a pornstar. Lol!
Seriously, naisip ko tuloy na ang mga bituin sa langit ay sumisimbolo sa mga taong nakatunghay at naghihintay ng pagkakataon na tayo'y lubos na makilala at manapay makapagbigay ng kinang sa ating buhay. Ngunit paano? Paano mangyayari ang lahat ng ito kung ang puso at mata natin ay nakafocus sa iisang bituin lamang na ngaun ay aandap-andap nalang at hindi na kayang makapagbigay ng liwanag sa ating buhay? Na halos gabi-gabi ay padilim ng padilim ang ating paligid tuloy nangangapa ang puso kung saan tayo patungo? Samantalang maraming bituin sa langit ang patuloy ang pagkinang at naghihintay lamang na iyong bigyan ng pansin at pagkakataon.
Tumayo ako mula sa aking pagkakaupo. Pinagpag ang bandang puwitan na nabahiran ng alikabok. Sa huling pagkakataon, muli kong tinanaw ang langit. Wala parin akong nakitang shooting star na magpapahiwatig na maaari na muli akong umibig. Pero malinaw ang ipinahihiwatig ng mga bituin sa akin. Kung gaano sila karami, maaaring ganun din karami ang maaaring magmahal sa isang katulad ko maging sino man at kahit ano pa man ang aking pinagdaanan.
Maswerte ang iba. Agad natagpuan at nayakap ang bituin na para sa kanila lamang. Ang iba sa atin ay patuloy ang paghahanap at paghihintay. Minsan, napipili natin ang bituin na akala natin ay para sa atin ngunit pagtagal mawawala rin pala ang kinang nito dahil nakalaan ito para sa iba. Sadyang ang buhay ay puno ng pagsubok kaya nararapat lang na patuloy tayong lumaban, maghanap, maghintay, magtiis at umasa.
Ako? Oo, maghihintay ako. Alam ko, darating din ang tamang panahon na masisilayan at makakamit ko ang bituin na nakalaan para sa akin. Ang bituin na magbibigay sa akin ng habambuhay na liwanag at muli'y magbabalik ng ningning sa aking mga mata. :)
No comments:
Post a Comment