Wednesday, August 3, 2011

Mama's Boy

Bobby:
"I am not the perfect little Bobby that you've always wanted. Mom, accept me as I am or forget me."

Mother:
"I won't have a gay son."

Bobby:
"Then Mom, you don't have a son now..."


Para akong tanga sa office kasi hindi ko mapigilang umiyak sa pelikulang pinapanood ko. Nandoong ipunas ko ang aking kamay at braso sa aking luha at hindi pa ako nakuntento, pati mismong suot kong damit ipinunas ko narin, hahaha! Wala kasi akong makitang tissue sa table ko. Hindi ko alam kung saan inilagay ni Banggali. Pero sobrang nadala talaga ako sa eksena. Mother and son relationship. Feeling ko ako si Bobby sa pelikula. Huhuhu!

Mabuti nalang at busy ang boss ko sa kabilang kwarto. Sa tapat ko naman na pinto, busy din si Ammar pakikinig ng dasal, ramadan kasi. Wala si Banggali nakabreak. Si Ahmed naman pumunta sa India at nasa Muscat naman ang employer ko. So, ako lang sa loob ng office ko kaya ok lang na umiyak. Kung gusto nyong mapanood ang movie, click nyo nalang ang link sa ibaba.

http://jonathanorbuda.blogspot.com/2011/07/prayers-for-bobby-full-movie_26.html

Mahirap talaga kapag hindi ka tanggap ng Mommy mo sa kung ano ka bilang isang tao. Hindi kumpleto ang sarili mo kapag ganun. Kahit saan ka pumunta, hindi ka lubos na magiging masaya. Siya kasi ang nagalaga sa atin. Mula sa kanyang sinapupunan inalagaan nya tayo hanggang sa ating paglaki. Sabi nga ni Vilma Santos sa pelikula nila ni Luis Manzano at John Lloyd Cruz, pati utot ng anak nya kilala nya.

So, paano pa kaya sa mga katulad namin na itinatago parin hanggang ngaun sa aming pamilya ang kabilang mukha ng aming pagkatao?

Naalala ko tuloy ang isang eksena noong umuwi ako sa Pinas last May 2011. Kasama ko si Mommy. Pilit nya akong pinasama sa palengke. Kahit ayaw ko wala akong nagawa. Hindi kasi nya ako ibibili ng mangga na peborit ko tsaka Nanay ko yun e. Mas close ako sa kanya kesa sa Dad ko. Eh mabait at masunurin akong anak so gora ang beauty ko sa palengke. Lol! So, sumakay kami ng jeep. Nakatsinelas, light brown shorts at shirt lang ako. Ganito ang eksena, may sumakay na lalake, mga 5'7, slim, maputi, pasado naman ang looks at kissable lips. Syempre pagsakay palang nya, alam ko na agad na kafederasyon siya, ramdam ko yun, pero kasama ko ang nanay ko hindi pwedeng maglandi. Magkatapat sila ng mommy ko sa upuan so halos magkatapat lang din kami, kasi magkatabi lang kami sa upuan ng Mom ko. Shit, itong lalakeng to, tinitingnan ako. Sa sulok ng mga mata ko alam ko yun. Pero hindi ko siya tiningnan. Never akong nakipagtitigan sa kanya o tiningnan siya ng matagal. Kung siguro wala ang Mommy ko sa eksena, naku baka nagpalitan na kami ng celpon number or baka dun palang sa jeep, nagkiskisan na kami ng braso at legs hahaha! Charot lang! Tapos ayun na nga pagbaba namin sa palengke, sabi ng Mommy ko un daw maputing bagets na lalake, tingin ng tingin sa akin. Hahaha! Shit, napansin din pala ng mommy ko. Hindi  ko masabi sa mom ko na bisexual ang lalakeng un. Wahhhhhh! Sabi ko nalang baka nagagandahan sa porma ko, period! Wala kasi akong maidahilan. At nag agree nalang ang mom ko sabay abresiyete sa braso ng bunso nyang anak hehe!

Sa totoo lang hanggang ngaun wala parin akong lakas ng loob na aminin sa Mommy ko o sa pamilya ko na mas nakakaramdam ako ng attraction sa lalake kesa sa babae. Hindi ko masabi kasi ayokong masaktan sila, ayokong madisappoint sila sa akin, ayokong pagtawanan nila ako at ayaw kong ilagay ang aming pamilya sa kahihiyan. Alam kong hindi ako nagiisa, marami jan ang katulad ko na pinipilit maging isang tunay na lalake sa harap ng kanilang pamilya at talagang napakahirap para sa akin dahil hindi ko magawa ang lahat ng gusto ko, hindi ko maipakita ang totoong ako at tunay kong nararamdaman. Ang sakit sa bangs, yun lang ang masasabi ko. :)

Pero mas pinili kong itago ito sa aking pamilya dahil alam ko na mas makabubuti na itago muna ito. Hindi pa panahon. Alam ko darating din ang araw na masasabi ko rin ito sa kanila. Kung kelan iyon, hindi ko pa alam. Kailangang patunayan ko muna sa kanila na kaya kong magtagumpay sa buhay ko. Baka sakali kapag stable na ako at meron ng maipagmamalaki, madali na nila akong matanggap. Iyon ang gusto kong mangyari kahit alam ko naman sa sarili ko na mahal nila ako at matatanggap nila ako kahit wala akong mapatunayan sa buhay. Tsaka malay natin, may nakalaan palang babae para sa akin, ung tatanggapin akong maging kabiyak kahit ganito ako. O db bongga? So, hindi na nila kelangan pang malaman. Haha!

Naiinggit ako sa mga bading na maaga palang ay natanggap na ng kanilang pamilya kasi maagang naglandi at nagladlad. Pero minsan, natatawa ako sa mga baklitang walang kiyeme kung kumembot sa daan, magmake-up at magsuot ng damit pangbabae. Ang iba pa nga kung saan-saang pageant sumasali kahit alam nilang wala silang K. Hindi ko naman sila kinokondena, pero sana magkaroon sila ng respeto sa sarili. Ang iba kasi, bakla na nga, wala pang respeto sa sarili kaya tuloy nababastos at nadadamay ang mundo ng kabaklaan. But in general,  maswerte sila, dahil malaya nilang nagagawa ang gusto nila sa buhay at iyon naman ang importante.

Sa mga katulad ko, kafatid at kafederasyon, ipagpatuloy natin ang maging responsable sa mga mahal natin sa buhay at mismong sa sarili rin natin. Huwag nating hayaang husgahan tayo dahil sa kakulangan sa ating pagkalalake. Ang totoo, minsan mas tunay pa tayong mga lalake dahil sa ating mga kakayahan at magandang pananaw sa buhay kesa sa mga taong mahilig manghusga ng kanilang kapwa.


No comments: