Thursday, September 15, 2011

Korona


“Hoy! Bilisan nyo, malapit na. Malapit na tayong maabutan….”

BLAG!

Napabalikwas ako sa aking kama ng marinig ko ang malakas na pagsara ng pinto. Halos wala pa ako sa katinuan ng mga oras na iyon. Ilang segundo pa bago ko maisip na si ate ang nagsara ng pinto ng flat. Malamang maaga na naman ang schedule nila ngayon sa work kaya siya nagmamadali. Sinulyapan ko ang orasan at nanlaki ang aking mga mata, alas-7 na ng umaga?!!

Dali-dali akong naligo at nagbihis dahil 30 minutos nalang darating na ang aking transport service. Kaya tiyak ang aking mga kilos. Alam kung saan kukunin ang lahat ng aking kailangan para ihanda ang sarili pagpasok sa opisina. Parang akong nananaginip parin, parang may humahabol, nagmamadali. Bigla akong napaisip, hinahagilap sa utak ang panaginip ko kanina bago ako magising sa malakas na pagtaklab ng pinto. Hmmm, ano nga ba ‘yung panaginip ko? 

Alam ko na!!!!

Malapit ng maabutan ang Filipinas ng Venezuela sa online voting ng Telemundo. OMG! Hanggang ngayon laman parin ng aking mga panaginip ang botohan sa Miss Universe 2011. Okupado parin ang isip ko ng nakaraang beauty pageant. Sa totoo lang halos isang buwan akong naging abala sa Miss Universe 2011. Hilig ko na kasi talaga ang beauty pageant noon pa man.


*****


Bata palang ako namulat na ako sa ganyan,  kasama ng aking mga pinsan, ma-lalake at babae. Sama-sama naming pinapanood sa TV ang Miss Universe  at syempre may kanya-kanya kaming manok kumbaga.

Nakakahiya mang sabihin, kapag kami-kami lang ng aming mga pinsan at wala ang aming mga nanay at tatay, nagpapaligsahan kami sa pagpapakilala, paglakad at pagandahan ng costume. Kung anong makulimbat sa sala, kwarto at kusina iyon ang gagamitin at bahala ka na kung paano mo gagawin ito. Minsan nga, pati sandok at kaldero nasasama sa costume. At ang mga sapatos ng aming nanay na mataas ang takong ang ginagamit pagrampa.

Alam ko bata palang ako kakaiba na ang galaw ng aking balikat at hampas ng aking balakang kapag rumarampa. Iba rin ang tindig ko kapag nakasuot ako ng high heels. Mas mapoise, mas malakas ang dating kumpara sa kuya ko at mga pinsan kong lalake na nagbabakla-baklaan lang. Pati mga pinsan kong babae, bilib na bilib sa akin at minsan nga, tinuturuan ko pa sila. Hindi nakakapagtaka na sa aking paglaki, ako ang naiiba sa aming magpipinsang lalake. Siyempre itinatago ko 'yun. Hindi naman ako kumekendeng sa kalye ano at nagdadamit babae? Pinapangalagaan at iniingatan ko pa rin ang reputasyon ng aming angkan hanggang ngayon at ipinangako ko sa sarili ko na hinding-hindi ko ito babahiran ng kahit na anong dumi. Magkabulgaran man, sisiguraduhn ko na maipagmamalaki parin nila ako sa kabila ng lahat ng kakulangan sa aking pagkatao.

Naipasa rin namin ang mga kalokohan naming ito sa new generation ng angkan namin. Pinaglalaban namin sila at binibihisan na parang may kanya-kanya kaming mga alaga. At syempre may premyo 'yun para galingan nila. Pero nakita ko ang pagkakaiba noon at ngayon. Hindi namin sila katulad na talagang inaabangan namin taon-taon ang Miss Universe, wala kaming pinapalampas.  Sila, parang ok lang na hindi mapanood. Oh well, iba na talaga ang panahon ngayon. Noon kasi, wala namang masyadong pagpipilian. Ngayon palasak na ang mga gadgets na siguro doon na nabaling ang atensiyon ng aking mga nakababatang pinsan.


*****


Mabalik tayo sa Miss Universe 2011.

Unang tingin ko palang kay Shamcey noon alam kong malakas na ang laban nya. Siguro sanay na ang aking mga mata na tumingin sa kilos at galaw ng isang kandidata. Unang tingin ko palang nababasa ko na kung may ibubuga ito o wala. Hindi ako nagmamagaling ha? Minsan mali ako inaamin ko yun pero kadalasan tama naman. Kaya hindi ako nagdalawang-isip na ikampanya siya.

Halos isang buwan akong naging abala. Siya lang ang halos laman ng status ko sa facebook at twitter. Laman ako ng  iba’t-ibang page at group sa facebook.  Halos lahat ng kaibigan ko, sinasabi na mukha na akong ‘supsup’ pero tumatawa lang ako at nakikipagbiruan. Sinasabi ko nalang na mahilig talaga akong sumupsup literally, like that, kaya naman naloloka ang aking mga lola. Halos mapudpod rin ang daliri ko kaboboto araw -araw sa iba’t-ibang online voting sites, official or unofficial pinatos ko para makatulong sa popularity rate niya. Araw-araw nagaabang ako ng picture at news update tungkol sa kanya. Kahit sumasakit na ang mata ko kababasa dahil maghapon at magdamag, iyon ang inaatupag ko, balewala sa akin. Kahit nakakatanggap ako ng negatibong komento galing sa ibang pinoy at ibang lahi, tuloy parin ako. Handa kong ipaglaban si Shamcey sa lahat dahil naniniwala ako na sa bandang huli, hindi kami bibiguin ng aming Miss Universe.

Dumating ang araw ng paligsahan. Kabado ang lahat at umaasa na siya ang mag-uuwi ng korona. Ibinigay niya ang lahat ng makakaya niya. Ipinakita niya ang tunay na simbolo ng kagandahan, katalinuhan at dedikasyon ng mga Pilipino para maabot ang isang bagay na may kasamang pagpapakumbaba, respeto at pagtanggap. Ibinalik nya ang pride ng bawat isa sa atin na maaari nating ipagmalaki saan mang sulok na mundo tayo mapadpad.

Hindi man sa kanya naibigay ang pinakatitulo, naniniwala ako na higit pa dito ang karangalan na ibinigay niya sa ating bansa. Mananatiling isang inspirasyon ang pangalang “Shamcey Gurrea Supsup”  sa bawat Pilipino at ibang lahi na nakasaksi sa kanyang laban at nabihag ng kanyang matamis na mga ngiti. At para sa amin, sa lahat ng taong naniniwala sa kanya sa buong mundo, wala siyang katulad. Siya ang aming Misss Universe 2011.

Hindi man nya naiuwi ang totoong korona sa aming bansa, panalo parin kami dahil habang-buhay naming isusuot ang korona ng karangalan sa aming mga puso.

Mabuhay ang Pilipinas!

Congratulations, Ms. Shamcey Supsup- Miss Universe 2011, 3rd runner-up.