Sunday, September 18, 2011

Male Rape


Matagal na panahon kong iwinaksi sa aking isipan ang madilim na pangyayari sa aking buhay. Pero para bang sinusundan parin ako ng anino ng kahapon. Pilitin ko mang ibaon sa limot ngunit may mga pangyayaring sadyang nagpapaalala nito.

Kahapon, habang nanonood ako ng balita, ipinakita sa 'Failon Ngayon' ang dalawang biktima ng 'Male Rape' kasabay noon ang sunod-sunod na malakas na kabog ng aking dibdib. 

Opo, biktima rin ako ng male rape. Bata palang ako, naranasan ko na ang pang-aabuso. Ang dapat sana'y masaya at hilaw na kamalayan ng aking kamusmusan ay napalitan ng takot at pangamba sa mga taong nakapaligid sa akin. Ninakaw ang aking pagiging inosente at pinukaw ang batang isipan sa makamundong pagnanasa.

5-taon palang ako, minomolestya na ako ng pinsan kong lalake. Hindi ko pa man lubos na naiisip un noon, habang lumalakad ang mga taon unti-unti ko itong naintindihan. Akala ko normal lang ang lahat ng pinapagawa at ginagawa nya sa akin dahil pareho kaming lalake. Palibhasa 10 taon ang tanda niya sa akin kaya madali nya akong nahuhuli sa bitag nya, napapasunod at nauuto. Masakit mang isipin, nangyari ang lahat ng ito hanggang ako'y magkaisip at umabot sa 13 taong gulang. Hanggang isang araw naglakas loob akong manlaban sa kanya at simula noon hindi na ito naulit pa.

Matagal na panahon kong itinago ang lahat. Kahit pakiramdam ko sirang-sira ang pagkatao ko wala akong pinagsabihan. Dala ng takot, kahihiyan at siguro, pagmamahal narin sa buong angkan namin kaya hindi ko nagawang magsumbong. Sa totoo lang, kung mayroong angkan na nagpapahalaga sa tinatawag na 'close family ties', angkan namin iyon. Isang kaugaliang pamana sa aming mga magulang ng aming yumaong lolo at lola.

Lahat ng pangit na nangyari sa akin ay pilit kong ibinaon sa limot. Sinikap kong maging normal ang buhay ko at maging masaya katulad ng ibang kabataan. Ngunit habang tumatagal, habang lumilipas ang panahon, habang pinipilit kong maging normal at maging masaya, may nararamdaman akong kakaiba sa puso ko. Mayroong umuusbong na paghanga sa kapwa ko lalake. Pinilit ko itong pigilan, sinikil hanggang sa aking makakaya. Hindi ko ito kinonsenti noon, kaya nagpasya akong iwasan at huwag maging malapit sa mga lalake. Hindi ako nakibarkada sa kanila noong HS. Hindi ako sumasama sa mga kalokohan nila, sa mga happenings, inuman, basketball, tambayan at iba pang pinagkakaabalahan ng mga normal na lalake. Basta malayo ang loob ko sa kanila noon. Mabibilang lang ang lalakeng binigyan ko ng pagkakataon na makilala ako, maging malapit sa akin at maging tunay na kaibigan. Basta ibinuhos ko nalang ang lahat ng atensyon ko sa pagaaral. 

Ipinakita ko sa lahat na malakas ako, na hindi ako basta-basta mapapasunod at mauuto, na hindi ako maloloko at matatalo, na hindi ako agad na sumusuko, na matibay ako sa lahat ng aspeto at mayroon akong disiplina sa sarili. Nagawa ko naman ang lahat ng ito at nakuha ko ang hinahangad kong respeto sa lahat. Pakiramdam ko, nabuo akong muli.

Lumipas ang maraming taon, hindi ako tumigil na labanan ang nararamdaman ko sa kapwa ko lalake ngunit sadyang may pagkakataon na mahina ako lalo na sa aking pagiisa. Naghahanap ako ng kalinga at pagmamahal. Dahil dito unti-unting nilamon ng tunay na nararamdaman ng puso ko ang lakas ng isip at tibay ng aking loob. Hanggang matagpuan ko nalang ang sarili ko isang umaga, sa aking paggising, may kayakap na akong isang lalake at pareho kaming walang saplot! 

Minsan naiisip ko, kung hindi kaya nangyari sa akin ang mapait na nakaraan, hindi rin kaya ako magiging ganito? Posible kayang normal ang takbo ng buhay ko? Ang sabi nila, tayo ang humahabi ng ating kapalaran. Tayo ang nagdedesisyon kung anong klase o yari ng buhay ang gusto natin. Pero bakit ang hirap para sa akin? Napakahirap.... 

Sa totoo lang maraming beses akong umiyak, nagdasal, nagtanong kung bakit ako naging ganito, kung bakit nararamdaman ko ito, kung bakit ako pa, kung bakit sa akin pa nangyari ito? Mabait naman ako, naging masunurin sa lahat ng gustuhin ng magulang ko, naging mabuting tao sa mundo pero bakit ako pa ang pinagkaitan ng normal na buhay? At sa tuwing nagtatanong ako, isa lang ang babagsakan ng lahat ng ito, sinisisi ko ang pinsan kong lalake na nangmolestya sa akin.

Hanggang sa napagod na ako. Napagod na ako kakaisip at hanapin ang sarili ko. Isipin kung ano ang kahihinatnan ng lahat ng ito, ng buhay ko. Kaya isang araw nagdesisyon ako na pakawalan ang galit na matagal kong kinimkim sa loob ko. Pinatawad ko siya at hinarap ang buhay ko.

Matagal bago ko inamin sa mga kaibigan ko ang nangyari sa akin. Hindi biro ang  tiwala, tapang at lakas ng loob na kailangan kong ipunin para lang ilantad sa iba ang mapait kong karanasan. Pero alam kong nakatulong ang pagtatapat kong iyon para maibsan ang bigat na dinadala ko. Hindi ko man ito makuha sa sarili kong pamilya dahil hanggang ngaun hindi ko ito sinasabi sa kanila, alam kong ok na ako. Kahit paano, nagagawa kong takasan ang anino ng kahapon. Kailangan ko nalang patunayan sa sarili ko na kaya kong magtagumpay sa buhay ko sa kabila ng lahat ng nangyari.

Alam ko marami pang katulad ko ang nakaranas ng ganito. Alam kong hindi madali, pero sana matagpuan nyo rin sa puso nyo ang pagpapatawad.

At sa mga magulang naman, pakiusap, huwag sana kayong magkulang na tingnan at subaybayan ang inyong mga anak. Alagaan nyo ang kanilang kamusmusan dahil ito ang panahon na lubos nila kayong kailangan upang mahubog ng maayos ang kanilang pagkatao...

Sana sa paglantad kong ito at pagbabahagi ng aking mapait na karanasan, may makuha sana kayong aral. Ituloy natin ang buhay. Labanan natin at lagpasan ang mga bagay na nagiging balakid sa ating kaligayahan. Doon man lang, mapatunayan natin na sa kabila ng pait, mayroon ring tamis na hatid ang mundo para sa mga tulad nating biktima ng male rape.


No comments: