Taon-taon inaabangan ko talaga ang UAAP Cheerdance Competition. Para bang pakiramdam ko hindi magiging kumpleto ang taon ko at buong daigdig ng kabekihan kapag pinalagpas ko ang patimpalak na ito. Bet na bet ko ang hagisan, balian ng buto, tumblingan, sayawan, sigawan, kantyawan at syempre ang awra sa loob at labas ng Araneta Coliseum. Pak na pak! Charot!
Kaya isang linggo bago sumapit ang bonggang paligsahan na ito, nagpapabili na ako ng ticket sa mga kakilala, kaibigan, kafederasyon maging sa aking mga pinsan na nagaaral sa UP Diliman. Kasehodang magbayad ako ng higit pa sa totoong halaga ng ticket o di kaya ay ilibre ang taong bibili ng ticket ko, makapasok lang sa loob ng Araneta, papatusin at gagawin ko talaga yun. Ganyan ako kapag gustong-gusto ko talagang manood.
At talaga yatang malas ako dahil palapit ng palapit na ang araw ng kompetisyon, walang makuhang ticket ang aking mga katext. Pati pinsan ko ay sumuko narin at nagdesisyon na sa TV nalang manonood. Pero hindi ako ganun kadaling sumuko.
Araw ng kompetisyon, pumunta ako ng Araneta. Alam ko marami sa tabi-tabi jan ang nagbebenta ng ticket, un nga lang doble o triple ang patong nila. Syempre pipili ako. Naniniwala ako na marami paring mababait na tao sa mundo na hindi nagsasamantala sa kanilang kapwa. Chos!
Tumambay ako malapit sa gate. Maraming tao, siksikan. Pila ang mga kabataang nais na manood. Alam ko ilang sandali nalang magsisimula na ang show. Nagdesisyon akong lumipat ng pwesto at umupo sa isang gilid. Napansin ko ang isang lalake. Cute siya, medium built at medyo matangkad. Pwedeng-pwede siya ang bulong ng isip ko. Oh well, mabilis talaga ang mata ko kapag awrahan. Hindi ko alam pero parang kapag may lalake sa paligid ko, hindi talaga mapakali ang mata ko. Given na 'yun hanggang magkasalubong ang mga tingin namin. Shit! Hahaha!
Pakiramdam ko may hinihintay siya. Patingin-tingin kasi siya sa suot nyang relo. Ilang sandali pa, narinig ko ang malakas na sigawan at alam kong hudyat na un na magsisimula na ang palabas. Hindi ko inaasahan ang bigla nyang paglapit at pag-approach sa akin.
Boylet: Hi! Manonood ka ba ng cheerdance? May dalawa kasi akong ticket. Hindi na siguro darating ang kasama ko kaya ibebenta ko nalang sana.
Me: Magkano ba?
Boylet: Kahit P175 nalang, (sabay ngiti sa akin).
Me: Gusto ko sana kaso wala akong kasama e.…
Boylet: Ah ganun ba… (palinga-linga sa paligid)
Me: Kung gusto mo, bilhin ko nalang ung dalawang ticket tapos samahan mo akong manood sa loob, ‘yun eh kung ok lang naman sayo na samahan ako panonood, (sabay ngiti sa boylet).
Tiningnan ako ni boylet. Para bang sinisipat kung ano ang intensyon ko sa kanya. Nakikiramdam siguro kung mabuti akong tao. Patay malisya lang naman ako hanggang pumayag narin siya. Pero isang ticket lang ang pinabayaran nya. Nakakahiya naman daw kung pati ticket niya babayaran ko pa.
Pumasok kaming dalawa sa loob at nalaman ko na Gio ang pangalan nya. Isang Lasalista. Ok naman siyang kasama. Akala ko nga may pagkamayabang pero hindi pala. Minsan, hindi ko mapigilan na mapatitig sa kanya. Ang cute kasi at alam kong hindi siya manhid para hindi nya mapansin at maramdaman ang pagtingin-tingin ko na ‘yun sa kanya.
Nagsimula ang show. Tulad ng dati halos mawalan ako ng boses kasisigaw. At dahil kasama ko si Gio, sumisigaw din ako sa DLSU. Ipinakita ko sa kanya na kahit bago palang kaming magkakilala, kakampi nya rin ako at hindi ako kalaban. Kahit pa alam nya na ang puso ko ay matagal ng nasa UP pep squad. Hehehe!
Natapos ang show. Itinanghal na champion ang UP, pumangalawa ang DLSU at pumangatlo naman ang FEU. Hindi man namin expected na makakapasok sa Top 3 ang DLSU, naging masaya kaming dalawa sa resulta.
Palabas na kami ng Araneta ng maramdaman ko ang kamay nya sa aking balikat. Nakaakbay siya sa akin. Tiningnan ko siya at nagkasalubong ang aming mga mata. Walang salitang namutawi sa aming dalawa. Parang puso lang namin ang nag-uusap. Ngumiti siya sa akin at parang ako naman ang nahiya dahil halos dalawang dangkal lang ang layo ng mga mukha namin sa isa’t-isa. Naramdaman ko ang marahang pagpisil-pisil niya sa aking balikat, at hindi ko mapigilan ang sarili ko na kiligin sa tagpong iyon. Alam ko nakikita nya ang mga ngiti sa labi ko na hindi ko talaga kayang itago pa sa kanya.
Pakiramdam ko kahapon, habang naglalakad kaming dalawa at magkasama, natatangi ang pagka-BLONDE ng aking buhok, promise! Para narin akong nanalo sa Samsung Stunner, Group stunts at Cheerdance sa Araneta!
Grandslam!!!!
Gusto ko pa sanang ikwento sa inyo ang sumunod na naganap sa aming dalawa ni Gio pagkatapos naming magkakilala kahapon sa Araneta, pero sabi nga ng mga taga-UP….
“Bawal sabihin…..”
“Hindi pwedeng sabihin……” :p